BULABUGIN
ni Jerry Yap
KUNG tutuusin wala namang iba sa pag-aaway o paghihiwalay ng magkakapamilya pagdating sa politika. Nagiging mainit lang itong usapin ngayon dahil nga mag-eeleksiyon, bukod pa sa pagkakasangkot ng unpredictable na mag-amang Duterte — Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte.
Kahapon, nalantad sa publiko na mukhang hindi alam ni Pangulong Duterte na naghain ng kandidatura para bise presidente ang kanyang anak na si Mayor Sara.
Pero agad itong binawi ng tatay na Duterte sabay upak sa inaakala ng lahat na kaalyado niyang pamilya Marcos.
Ngayong araw, babalik ‘daw’ sa Comelec ang tatay ni Sara para tapatan ang kanyang kandidatura — bise presidente.
Pero siyempre, mahirap paniwalaan hangga’t hindi nangyayari.
Ang suspetsa ng inyong lingkod, naglalaro ang mga Duterte at ang mga kaalyado nila para agawin ang limelight o ang espasyo ng mga balita laban sa kanilang mga kalaban.
Bukod sa ang Duterte camp ay incumbent, nagagawa pa nilang ‘palikutin’ ang sitwasyon sa politika kaya’t laging nakatuon sa kanila ang mata ng media.
Sabi nga, ang tatay ni Sara, ay masugid na estudyante ni Sun Tzu, kaya habang nagpapasalin-salin ang bulungan na ‘mahina’ na si Digong, at kapag nakikita sa telebisyon ay parang matutumba kapag naglalakad, nakagagawa pa rin siya ng mga pahayag na nakapanlilito sa tao at sa kanilang mga kalaban.
Pero sa ipinakikitang mga aksiyon at kilos ni Digong, mukhang totoo rin ang nagpapasalin-saling tsismis na maging ang kanyang anak na si Sara ay hindi makalapit sa kanya.
Mukhang mahigpit na pinagtibay ng ‘cordon sanitaire’ at ‘hawi boys’ ng erpat ni Sara ang kanilang pagbabantay upang hindi makapag-usap ang mag-ama.
Kaya magtataka pa ba tayo kung bakit pati pamilya’y hinahamak ng mga ambisyong politikal?!
Kung totoong, laging pumapagitna ang may malaking interes sa kapangyarihan ni Pangulong Duterte, sana’y maging mahusay rin si Sara kung paano lulusutan ang ‘hawi boys’ ng kanyang tatay.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com