PATAY ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos manlaban sa mga awtoridad sa isinagawang anti-illegal drug operation na nauwi sa enkuwentro sa Science City of Muñoz, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Sabado, 6 Nobyembre.
Batay sa ulat ni P/Col. Rhoderick Campo, acting provincial director ng Nueva Ecija PPO, dakong 1:20 am kamakalawa nang magkasa ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Science City of Muñoz Police Station ng buy bust operation sa Brgy. Cabisuculan, sa nabanggit na lungsod laban sa suspek na kinilalang si Jerico Tud, alyas Ekong, residente sa Brgy. Bakal III, bayan ng Talavera, sa naturang lalawigan.
Nabatid na nakatunog si alyas Ekong na alagad ng batas ang kausap kaya agad siyang bumunot ng baril at pinaputukan ang operating troops dahilan upang gumanti ang mga pulis na nagresulta sa agaran niyang kamatayan.
Narekober na ebidensiya mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver, kargado ng bala; piraso ng selyadong plastic sachets ng hinihinalang shabu na may timbang na 2.5 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P17,000; sling bag, cellphone, marked money, at isang walang plakang Kawasaki Bajaj motorcycle na may sidecar.
(MICKA BAUTISTA)