NAGHAYAG ng kagalakan si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa ipinangakong todo-suporta ng Isang Samahang Aasahan (ISA) nitong Linggo, at nangakong susuklian ng tapat at mahusay na pamamahala kung mabibigyan siyang muli ng mandato bilang alkalde ng lungsod na magiging pangalawa niyang termino sa serbisyo publiko.
Binubuo ng mahigit 70 organisasyong nakakalat sa buong Distrito Uno ang pinag-isang samahan na kinabibilangan ng iba’t ibang sektor gaya ng neighborhood association, senior citizens, kabataan, LGBT, transportation, at mga manininda. Ang ISA ay noon pang 2009 naitatag at itinuturing na malaking “influential group” sa panahon ng bawat halaan sa District 1.
Si Jaime Espina ng Barangay Del Monte, namumuno sa Tagumpay ng PIMAGFLOW (Pinagpalang Magkakapitbahay ng Florencia West) at co-founder ng ISA, ang nagsabing “nakakasa na ang suporta” ng kanilang samahan para sa tambalang muli nila Mayor Belmonte at Vice Mayor Gian Sotto.
Sa pagka-kongresista naman ay ibubuhos ng ISA ang kanilang suporta sa kandidatura ni Arjo Atayde (AA) para “maging Congressman ng Distrito Uno.”
Dagdag ni Espina, ang buong “Aksiyon Agad” team na pinangungunahan ni Atayde at anim nilang kandidatong konsehal gaya ni Bernard Herrera, Charm Ferrer, Tani Joe “TJ” Calalay, Doray Delarmente, Olie Belmonte at Sep Juico, ang siguradong isusulat ng kanilang grupo sa mga balota sa halalan sa Mayo 2022.
“Dadalhin at iboboto ng ISA si Atayde, maging ang buong ticket ni Mayor Joy Belmonte sa ilalim ng Serbisyo sa Bayan Party (SBP) kabilang ang ating Vice Mayor Gian Sotto at mga kandidatong konsehal sa District 1,” ang pahayag ni Espina.
Ikinagalak din ni Atayde ang inihayag na suporta ng ISA na may tinatayang lagpas 18,000 kasapi, pawang mga botante at nangakong hindi niya sila bibiguin.
“Pagsisilbihan ko nang tapat ang District 1 ng Quezon City. Hindi ko lolokohin ang mga kababayan natin at ‘di ako magnanakaw,” ang sabi ni Atayde.
Bagamat baguhan sa larangan ng politika, ang “award winning” na aktor ay tahimik na tumutulong na sa Distrito Uno. Nagbigay na siya ng mga sasakyang maaaring gawing “service vehicle” ng mga barangay sa paglatag ng mga programa para labanan ang pandemiyang dulot ng virus na CoVid-19.
Ang pandemiya at mismong karanasan niya na mahawaan ng CoVid-19, ayon kay Atayde, ang nagbunsod sa kanya na lumapit kay Mayor Belmonte para ialay ang sarili upang makatulong sa Distrito Uno.