NADAKIP ang isang customs appraiser at examiner ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BoC), National Bureau of Investigation (NBI), at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang ikinasang entrapment operation laban sa dalawang suspect, sa lungsod ng Maynila, nitong Martes, 2 Nobyembre.
Kinilala ang mga arestadong suspek na sina Zosimo Bello, customs examiner; at Salvador Seletaria, examiner sa Collection District No. II-A ng Port of Manila (POM).
Nabatid na isinumbong ng isang importer ang dalawang suspek sa BoC nang hingan siya ng P.3 milyon kapalit ng paglalabas ng kanilang kargamento.
Dahil rito, agad ipinag-utos ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na magsagawa ng entrapment operation laban kina Bello at Seletaria.
Ikinasa ang nabanggit na operasyon sa Harbor View Restaurant, sa nabanggit na lungsod, kung saan napagkasunduang magkita ang importer at ang mga suspek. Kasama ng importer ang NBI undercover agent.
Agad hinuli ng mga tauhan ng NBI at BoC sina Bello at Seletaria matapos iabot ng biktima ang isang puting sobreng naglalaman ng marked money na nagkakahalaga ng P30,000.
Pansamantalang nakapiit sina Bello at Seletaria sa NBI at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings.
Samantala, inihahanda ng BoC ang mga kaukulang kasong kriminal at administratibo na isasampa laban sa mga suspek.