DINAKIP ng mga awtoridad nitong Martes, 2 Nobyembre, ang itinuturing na top 1 most wanted person ng Central Luzon sa isinagawang manhunt operation sa lungsod ng Sta. Rosa, lalawigan ng Laguna, sa pagpapatuloy ng pagtugis ng pulisya laban sa wanted criminals.
Sa ulat na ipinadala ni P/Col. Renante Cabico, provincial director ng Tarlac PPO, kay P/BGen. Matthew Baccay, PRO3 regional director, naglatag ng manhunt operation ang magkakasamang mga operatiba ng Paniqui Municipal Police Station (MPS), PIDMU TPPO, at Sta. Rosa City Police Station (CPS), sa Block 1 Lot 29, Saint Francis 14 Village, Brgy. Balibago, sa naturang lungsod.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto sa suspek na kinilalang si Henry Baybay, 53 anyos, karpintero, tubong Paniqui, Tarlac, at kasalukuyang naninirahan nabanggit na lungspd.
Mayroong standing warrant of arrest si Baybay para sa kasong Murder na nilagdaan ni Presiding Judge Stela Marie Gandia-Asuncion ng Paniqui RTC Branch 106.
Nabatid na pangunahing akusado si Baybay sa pamamaslang sa isang Lydia Arambulo gamit ang matalas na bagay sa Brgy. Samput, Paniqui, Tarlac noong 18 Nobyembre 2020. (MICKA BAUTISTA)