NADAKIP ng mga awtoridad ang isang babaeng nakatala bilang high value target (HVT) sa bayan ng Iba, lalawigan ng Zambales, nitong Linggo, 31 Oktubre.
Ayon sa ulat na ipinadala ni P/Col. Romano Cardiño, acting provincial director ng Zambales PPO, kay P/BGen. Valeriano De Leon, PRO3 Regional Director, nagtungo ang mga operatiba ng 305th Maneuver Company RMFB3 at PIU ZPPO sa Sitio Takipan, Purok 2, Brgy. Palanginan, sa nabanggit na bayan upang ipatupad ang search warrant laban sa suspek na kinilalang si Maria Theresa Calimlim, 38 anyos, residente sa nasabing lugar.
Dinakip si Calimlim dahil sa kinahaharap niyang kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Nakompiska mula sa suspek ang isang kalibre .38 Smith and Wesson revolver na kargado ng bala, dalawang selyadong pakete ng hinihinalang shabu, at shabu paraphernalia na dinala sa Zambales PPO para sa naaangkop na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)