NASAKOTE sa ikinasang entrapment operation malapit sa regional headquarters ng pulisya ang isang babaeng medical representative na inireklamong nangingikil ng pera mula sa mga aplikanteng magpupulis sa bayan ng Palo, lalawigan ng Leyte, nitong Biyernes, 29 Oktubre.
Kinilala ang suspek na si Cherie Pulga, 36 anyos, isang medical representative, huli sa aktong tumanggap ng boodle money mula sa isang aplikanteng kanyang biktima.
Ikinasa ang nasabing entrapment operation ng mga tauhan ng Police Regional Office 8 ng PNP.
Ayon sa mga biktima, naniwala sila sa pangako ng suspek na siguradong slot sa Philippine National Police recruitment kapalit ng P20,000.
Pagkatanggap ng pera, agad dinakip ang suspek at dinala sa Palo Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon.
Pahayag ni P/BGen. Rommel Cabagnot, Regional Director ng Eastern Visayas Police, hindi kinokonsinti ang mga ilegal na gawaing gaya nito, lalo at nasa kanilang mandato na sumunod sa kautusan ng chief PNP na pangkalahatang implementasyon ng Intensified Cleanliness Policy (ICP), kabilang ang “nameless and faceless recruitment.”
Layunin ng polisiya na lipulin ang korupsiyon at hindi patas na gawain sa proseso ng recruitment ng pambansang pulisya.
“Ang insidenteng ito ay patunay lang na sa kabila ng ating kinakaharap na krisis, ang inyong pulisya ay hindi tumitigil sa pagsupil sa lahat ng uri ng kriminalidad kung kaya’t hinihikayat po namin ang lahat na gustong pumasok sa aming hanay na maging mapagmatyag at ‘wag magpapaniwala sa kahit na sinong mangangako sa kanila lalo na’t may kapalit na pera,” ani P/BGen. Cabagnot.