BUMAGSAK sa kamay ng batas ang isang kawatan ng motorsiklo sa Bulacan na kabilang sa most wanted persons (MWPs) ng Region 3 sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Brgy. Niqui, bayan ng Masantol, lalawigan ng Pampanga, nitong Sabado, 30 Oktubre.
Ayon kay P/BGen. Valeriano De Leon, regional director ng PRO3 PNP, kinilala ang suspek na si Roell Guintu, nakatala bilang pang-37 Regional Most Wanted Person sa Central Luzon, na nadakip ng mga tauhan ng PIT BULACAN RIU3, RID3, RIDMD3, 3rd MP, 2nd PMFC, San Ildefonso MPS, at PIDMB Bulacan PPO.
Ikinasa ang paghuli kay Guintu sa bisa ng warrant of arrest sa paglabag sa RA 6539 sa ilalim ng Criminal Case Number 1256-M-2016 na nilagdaan ni Presiding Judge Mirasol Dychingco, Malolos City RTC Branch 20 na may petsang 3 Marso 2016.
Nabatid na si Guintu ang pangunahing suspek sa pagnanakaw ng motorsiklong Honda XRM125, may plakang 2890 IE, Engine No. XRM17E024738, at Chassis No. XRM17925733, na pag-aari ng isang Lorena Trinidad, noong 2015 sa Brgy. Partida, sa bayan ng San Miguel, lalawigan ng Bulacan, at nagtago ng mahigit anim na taon bago naaresto.
(MICKA BAUTISTA)