HATAWAN
ni Ed de Leon
SA tagal na rin namin sa showbusiness, marami nang mga artistang yumao. Pero may mga artistang ang pagyao ay hindi natin inaasahan, o hindi natin maipaliwanag, at ang mga iyan ang naalala namin noong isang araw at gustong gunitain ngayong araw ng mga banal, at bukas na araw ng lahat ng mga yumao.
Ang isang yumao na hindi namin makalimutan ay ang actor, at naging kaibigan naming si Alfie Anido. Masalimuot ang mga kuwento ng kanyang kamatayan, at walang nakaaalam kung ano ang totoo. Minsan gumawa ng docu ang GMA 7, at sinabi nga nilang walang autopsy report, o record man lang sa PNP crime lab ang kanyang kamatayan. Siguro ay dahil iyon sa katotohanang kahit na nga nangyari ang lahat sa Makati, nasabi nga ni Col. Ruperto Acle na noon ay hepe ng pulisya sa Makati na hindi sila ang nagsagawa ng imbestigasyon kundi ang Metrocom, na noon ay military at nasa ilalim ng PC o Philippine Constabulary.
Kakatuwa dahil sinasabi nga nila na umano, nag-suicide si Alfie sa kanyang sariling kuwarto sa tahanan nila sa mismong araw ng birthday niya nangyari. Kakatuwa rin na ang unang lumabas sa mga diyaryo na namatay siya sa isang aksidente sa kotse. Lalong nakatawag ng pansin ang naging desisyon ng kanyang pamilya na mag-abroad at mag-migrate na roon matapos ang kanyang kamatayan.
Isa pang kakatuwang kamatayan ay nangyari kay Rico Yan, isa pang sikat na matinee idol noong kanyang panahon. Mismong Biyernes Santo noong 2002 nang matagpuan ng kaibigan niya at kasama sa bakasyong si Dominic Ochoa na patay na si Rico sa kanyang kuwarto sa Dos Palmas resort sa Palawan. Ang sabi, inatake sa puso habang natutulog, pero wala ring malinaw na autopsy report ang PNP Crime lab, na isinagawa ang autopsy. Hindi nila pinayagan na ma-autopsy si Rico sa Palawan. Nang sinundang gabi, masaya pa umano si Rico nakikipagkantahan pa sa karaoke.
Ganoon din ang nangyari sa dating kasama sa teenstars ni Kuya Germs, na nasali sa Starstruck at naging bida sa gay feature film na Twighlight Dancers. Natagpuan na lang siyang patay sa loob ng kanyang kotse sa isang bahagi ng highway sa barangay Ugong Valenzuela, Metro Manila. Lumabas din sa imbestigasyon na iyon ay isang kaso ng suicide, pero walang sinabi kung ano ang posibleng dahilan ng kanyang pagsu-suicide.
Isa pang napaka-kontrobersiyal na kamatayan ay sa aktres na si Julie Vega. Isa si Julie sa pinakasikat na aktres noong kanyang panahon. Ang serye niyang Annalissa ay napakataas ang ratings.
Nag-shooting umano siya ng isang pelikula sa San Miguel, Bulacan, at doon ay nahilo. Dinala siya sa ospital pero pinalabas din naman dahil sabi nga baka raw pagod lang iyon. Wala naman silang nakitang sakit niya. Makalipas ang isang linggo, muli siyang nagkasakit at lumubha na ang kalagayan. Sa paniwala ng mga taga-San Miguel, baka raw si Julie ay napaglaruan ng masasamang espiritu o mga duwende sa lugar kung saan sila nag-shooting. At kahit na nga sinabing ang talagang ikinamatay niya ay sakit sa puso, marami ang naniniwala na kinuha siya ng mga duwende at ginawang reyna sa kanilang kaharian.
Ang isa pang kontrobersiyal na kamatayan ay kay Pepsi Paloma. Kumain pa siya ng tanghalian, at nagbilin sa mga kasama niya sa bahay na huwag siyang istorbohin pagkatapos at matutulog siya. Nagduda lang sila nang dumating ang live in boyfriend niya noon, 6:00 p.m., naka-lock ang pinto ng kuwarto at ano mang katok nila ay ayaw magbukas.
Nang sirain nila ang pintuan ng kuwarto, noon nila nakita si Pepsi na nagbigti gamit ang sash ng kanyang damit doon mismo sa loob ng kanyang closet. Marami ring sinasabing naging dahilan ng kanyang suicide.
Iyan ay ilan lamang sa mga masasalimuot na kamatayan ng mga personalidad na nakilala namin. Ang ibang mga kaso ay nakita naming mismo noong panahong kami ay nasa “police beat” pa.
Marami pang sinasabing kaso ng suicide na hindi maliwanag sa amin kung paanong nangyari, bagama’t iyon ang lumalabas sa imbestigasyon. Marami pang kuwento, kabilang na ang sinasabing pagpaslang sa aktres na si Nida Blanca, na tinapos na lang nila ng ganoon, walang napatutunayan, nang yumao na rin ang kanyang asawang si Rod Strunk na ginawa nilang primary suspect sa pagpaslang dahil lamang sa bumili iyon ng Swiss knife.
Kung iisa-isahin, napakarami nga, at ang masasabi na lang namin, nawa’y makatagpo sila ng kapayapaang walang hanggan sa kaharian ng Diyos sa langit.