MASAYANG TINANGGAP ni Pandi Councilor Cris Castro nitong nakaraang 24 Oktubre 2021 ang dalawang ambulansiya na ipinagkaloob ni Guiguinto Mayor Ambrosio “Boy” Cruz para sa dalawang barangay ng naturang bayan, sa lalawigan ng Bulacan.
Sa pagsuporta ni Mayor Boy Cruz, na tatakbong congressman sa ikalimang distrito ng Bulacan, isinabay na rin ang isang medical mission sa mga barangay ng Cacarong Bata at Cacarong Matanda, gamit ang isang high-tech na bus na kompleto sa kagamitan tulad ng X-ray, ultrasound, ECG, blood chemistry, at medical check-up.
Ayon kay Konsehal Cris, tatakbong mayor ng Pandi, una niyang nilapitan at kinausap si Mayor Boy Cruz hinggil sa problema ng mga barangay ng Cacarong Bata at Cacarong Matanda sa kawalan ng mga ambulansiya lalo at kailangan ito nang manalasa ang pandemyang dulot ng CoVid-19.
Upang maiparating kay Mayor Cruz ang problema, personal siyang inanyayahan ni Konsehal Castro sa kanyang tahanan sa Brgy. Cacarong Bata kung saan siya nakatira.
Kinumbida rin ni Konsehal Castro sina Cacarong Matanda Brgy. Captain Gerry Cruz at Cacarong Bata Brgy. Captain Rady Estrella upang maiparating sa alkalde ang problema ng kanilang mga nasasakupan.
Habang humihigop ng mainit na sabaw sa inihandang alumusal, binanggit nina Konsehal Castro kay Mayor Cruz na kailangan nila ng ambulansiya upang mabilis na maihatid sa pagamutan ang mga kabarangay nilang nagkakasakit.
Hindi nag-atubili si Mayor Cruz at kinalingguhan ay ipinahatid niya ang dalawang ambulansiya na ginagamit na ngayon sa mga barangay ng Cacarong Bata at Cacarong Matanda.
(MICKA BAUTISTA)