NAHULOG sa kamay ng mga alagad batas ang dalawang pugante nitong Miyerkoles, 27 Oktubre, sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga na malaon nang pinaghahanap ng batas.
Batay sa ulat ni P/Col. Robin Sarmiento, acting provincial director ng Pampanga PPO, nagsagawa ng manhunta operation ang magkasanib na elemento ng Mabalacat CPS, 302nd MC RMFB3 3rd Platoon Polar Base, at 2nd PMFC Mabalacat Patrol Base sa 67 St., Mauaque Ressetlement, Brgy. Sapang Biabas, sa nabanggit na lungsod.
Nagresulta ang operasyon sa pagkaaresto kay Jerico Dela Jara, alyas Kokok, 27 anyos, at nakatala bilang isa sa most wanted persons (MWPs) ng Mabalacat, sa bisa ng warrant of arrest sa paglabag sa Section 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa ilalim ng Criminal Case No. R-ANG-20-01240-CR para sa Service of Sentence na inilabas ni Presiding Judge Benigno Abila, ng Angeles City RTC Branch 117, may petsang 25 Oktubre 2021.
Gayondin, nagsagawa ang parehong operating troops ng isa pang manhunt operation sa Great Mall Xevera Subd., Brgy. Tabun, sa parehong lungsod, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na kinilalang si Jeffrey Balagot, 42 anyos, residente sa Kadenang Kristal, Brgy. Dau, Mabalacat.
Dinampot si Balagot sa bisa ng warrant of arrest para sa krimeng BP Blg. 22 sa ilalim ng Criminal Case No. 10-142 na inilabas ni Presiding Judge Ma. Magdalena Balderama, ng Mabalacat City MTC Branch 1, may petsang 18 Pebrero 2011. (MICKA BAUTISTA)