DALAWANG menor de edad ang nasugatan sa pamamaril ng lasing na 59-anyos lalaki, empleyado ng Public Order and Safety Office (POSO) sa Taguig City, kahapon ng madaling araw.
Ginagamot sa Taguig-Pateros District Hospital ang mga biktima na kinilalang sina alyas Linda, 15 anyos, ng Brgy. San Miguel, Taguig City, at isang alyas Zanjo, 13 anyos, estudyante, ng Barangay Hagonoy, Taguig kapwa may tama ng bala sa katawan.
Agad nadakip ang suspek na si Nelson Voluntarioso, 59 anyos, ng 55 Ginseng St., Creekland, Barangay Hagonoy, Taguig City, nahaharap sa kasong Frustrated Murder.
Kasamang dinampot ang kinakasama nitong si Ellen Betita, 52 anyos, para sa kasong Obstruction of Justice at anak na si Neil John Voluntarioso, 24 anyos, binata, isang declogger, dahil sa Obstruction of Justice at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa ulat nangyari ang insidente sa Creekland, Hagonoy,Taguig City dakong 2:00 am nitong Lunes.
Sa inisyal na imbestigasyon, magkasamang bumili ng meryenda ang dalawang biktima ngunit habang pauwi biglang lumabas ng bahay ang lasing na si Nelson saka nagpaputok ng hindi batid na kalibre ng baril, na tumama sa mga biktima.
Nagsagawa ng follow-up operation ang Sub-Station 9 sa pangunguna ni P/Maj. Crisanto Agualin at Barangay Security Force sa lugar, habang isinasagawa ang pag-aresto laban kay Nelson ngunit nakialam ang misis nitong si Betita at anak na si Neil na minalas pang makuhaan ng 10.8 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P73,440. (GINA GARCIA)