HATAWAN
ni Ed de Leon
NATUTUWA naman ang aming kaibigang si direk Joven Tan ng muli naming makausap noong isang araw. Bakit nga ba hindi, eh sa unang araw pa lamang ng release ng Ivory Records doon sa kanta ni Christi Fider na Heto Na Naman, halos umabot na sila sa 10,000 downloads. Aba kung hindi magbabago ang trend, baka isang linggo lang ay gold na iyang bagong kanta ni Christi na ang gumawa ay si direk Joven.
“Talagang si Christi ang nasa isip ko nang gawin iyong kanta, dahil sa tingin ko napakalawak ng range ng kanyang boses at makakaya niya ang ganoong klase ng songs. Hindi lahat ng singers ay may ganoong range, at saka isa pa, marami na ring fans si Christi bilang isang singer kaya makasisiguro kang mabibili ang kanyang records,” sabi pa ni direk Joven.
Aba suwerte nga iyan, dahil sa ngayon mahirap makagawa ng hit songs.