INARESTO ng pulisya ang apat na lalaking nahulihan ng mahigit 6,000 wrinkle-lipped bats o paniki sa bayan ng San Miguel, lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat mula sa San Miguel Municipal Police Station (MPS), nasakote sa Biak na Bato National Park (BNBNP) ang mga suspek na kinilalang sina Rolando Santiago, Reynante Gonzales, Rejie Mangahas, at Ronald Santiago.
Nabatid na nakatakdang dalhin sa ilang exotic restaurant ang mga paniki na sinasabing nagkakahalaga ng P90,000 kapag ibinenta.
Kabilang ang paniki sa listahan ng mga vulnerable species ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ilalim ng Administrative Order No. 2019-09 o ang Updated National List of Threatened Philippine Fauna and their Categories.
Sinampahan ng kaukulang reklamo ang mga suspek para sa paglabag sa National Integrated Protected Areas System Law. (MICKA BAUTISTA)