Wednesday , October 9 2024
Usaping Bayan ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD

Idalangin natin ang kaharian ng Diyos dito sa lupa


USAPING BAYAN
ni Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

NAKALULUNGKOT na ang ating lipunang ginagalawan ay pinaghaharian ng kawalang katotohanan, kalayaan, kapayapaan, pag-ibig at katarungan.

Ang mga ito ang ilan sa mga pangunahing dahilan kaya marami sa ating mga lider sa iba’t ibang larangan ay sinungaling. Ito rin ang mga dahilan kung bakit ang ating bayan, ekonomiya at kultura ay pinaghaharian ng mga dayuhan; magulo at marahas ang ating mga lalawigan, bayan at lungsod; walang pag-ibig at paggalang sa isa’t isa ang mga mamamayan at ang katarungan ay para sa mayaman lamang.

Ang mga katotohanang ito ang haharapin ng sino mang gustong maging lingkod-puno (servant-leader) ng sambayanan. Kaya dapat, ang isang magiging lingkod-puno ay may malinaw na pagkakaunawa sa mga tinatayang katangian ng paghahari ng Diyos.

Para sa isang ibig maging lingkod-puno sa pamamagitan ng politika, hindi sapat na ang tanging layunin ay maglingkod lamang. Huwag nating kalilimutan na ang daan patungo sa impiyerno ay tadtad ng mabubuting layunin.

Sa pangkalahatan, ang isang lingkod-puno ay dapat matapat sa bayang Filipino na kanyang pagsisilbihan, hindi sa isang siste na pinasuso sa atin ng mga dayuhang panginoon. Dapat wakasan ng lingkod-puno ang ating pagpapanguyapa sa mga kanluranin, lalo sa mga instrumento nito, ang World Bank at International Monetary Fund. Dapat siya’y kumilos din para magkaroon ng tunay na kapayapaan sa bayan, mula sa kanayunan hanggang sa mga kalunsuran.

Ang isang lingkod-puno ay dapat din may ibayong pag-ibig sa bayang tinubua’t masang paglilingkuran. Dapat din na makatarungan at mapang-unawa niyang ipatutupad ang mga batas. Ang batas na walang pang-unawa ay recipe ng pagiging tirano at ang pang-unawa na walang batas ay nauuwi sa pang-aabuso ng mga nasa poder at ng iilan. Kailangang balanse’t magkatuwang ang batas at pang-unawa.

Kailangan din na magkaroon ng pagrerebisa sa ating Saligang Batas sa lalong madaling panahon at gawing malapit ang mga nilalaman nito sa mga katangian na tinatalakay sa ngayon. Malaki ang magiging bahagi ng Kongreso sa layuning ito kaya’t dapat natin isaisip na ang mga marapat na maluluklok dito ay ‘yung mga may respeto sa pangangailangan ng masa, mga mulat sa kaisipang makabayan at may takot sa dakilang manlilikha.

Sa pagdaraan ng panahon ay kailangan din nating mapanday ang isang ideolohiyang Filipino na nakakawing sa ating kultura, paniniwala, at katutubong sisteng pang-ekonomiya kung saan ang pangangailangan ng bayan, hindi ng iilan, ang pangunahin.

* * *

Tuwing eleksyo’y naaalala ko ang namayapang Hari ng Komedya na si Dolphy. Sa isang panayam ay narinig ko sa kanya na marami ang humihikayat na siya’y tumakbo sa pagka-pangulo ng bansa upang “makapaglingkod” subalit mas ninais niyang manatiling taga-aliw ng masa.

Ayon kay Dolphy, ang kanyang pagiging komedyante ang kanyang natatanging paraan ng paglilingkod at hindi ang pagpasok sa daigdig ng politika.

Dito ako sumaludo sa kanya sapagkat alam ko at alam niya na wala siyang talo kung siya ay tumakbo bilang ating pangulo, pero sa kabila nito ay mapagkumbaba niyang pinili na mas maging totoo sa kanyang kakayahan at panahon.

Si Dolphy ay isang huwarang lingkod-puno ng ating bayan. Ang mga tulad niyang hindi nasilaw sa tawag ng kapangyarihan ang kailangan ng bayan natin ngayon.

About Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.

Check Also

Dragon Lady Amor Virata

Mga police security ng kandidato alis muna

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata PAG-UUSAPAN na sa Commission on Elections (Comelec) ang araw …

Sipat Mat Vicencio

Lapid, Abby tagilid na kandidato ni Bongbong

SIPATni Mat Vicencio HINDI kakayaning makapasok sa ‘Magic 12’ ang lahat ng kandidato ni Pangulong …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Mapayapang eleksyon, target ni PRO3 RD PBG Maranan

AKSYON AGADni Almar Danguilan UMUPO na bilang Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 3 …

Sipat Mat Vicencio

Laban ni FPJ:  Inumpisahan ni Grace, tatapusin ni Brian

SIPATni Mat Vicencio NAGSIMULA ang ‘laban’ ni Senator Grace Poe nang bawian ng buhay ang …

YANIG ni Bong Ramos

Vendors muling nag-hari sa Blumentritt

YANIGni Bong Ramos MULI na namang namayagpag ang mga vendor sa kahabaan ng kalyeng Blumentritt …