NAKIPAG-UGNAYAN ang mga miyembro at opisyal ng Samahan ng mga Sabungero sa Bulacan sa bagong itinalagang provincial director ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) na si P/Col. Manuel Lukban, Jr., matapos magtungo noong Miyerkoles, 13 Oktubre sa tanggapan ni Bulacan Governor Daniel Fernando upang ipabatid ang kanilang mga hinaing.
Sa harap ni P/Col. Lukban, inilahad ng grupo ang kanilang buong suporta sa mga alituntunin ng IATF tungkol sa kasalukuyang community quarantine sa lalawigan.
Inamin ng grupo sa kanilang pag-uusap na malaki ang nalulugi sa kanilang industriya simula nang ipinagbawal ang sabong dahil sa pandemyang dulot ng CoVid-19.
Ipinaliwanag ni Lukban ang kasalukuyang ipinatutupad na alituntunin ng IATF sa umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa lalawigan na mahigpit ipinagbabawal ang mga establisimiyentong panglibangan, isa na rito ang live sabong at iba pang uri ng mga sugal.
Napagtanto umano ng mga may-ari ng mga sabungan na higit nilang kailangang pangalagaan ang kanilang kalusugan at isantabi muna ang kanilang personal interest.
Anila, susuportahan at igagalang nila ang itinakdang panukala ng IATF kaya hindi muna magbubukas ang mga sabungan para sa kalusugan ng lahat.
Samantala, ipinabatid ni Governor Fernando na bawal ang operasyon ng mga sabungan alinsunod sa alituntuning ipinapatupad ng IATF sa Bulacan.
Binigyang-diin ng gobernador ang kanyang pagpapahalaga hindi lamang sa kalusugan ng mga sabungero kundi gayondin sa mga mamamayan ng buong lalawigan ng Bulacan.
Ngunit batay sa pagsisiyasat, napag-alaman ng pulisya na may mga politikong mayroong pansariling interes ang nagbubuyo sa samahan ng mga sabungero na magtipon-tipon at magsagawa ng rally na lumalabag sa regulasyon ng IATF.
Bunsod nito, patuloy ang paalala ng pulisya na makiisa ang samahan ng mga sabungero sa alituntunin ng IATF para sa kapakanang pangkalusugan lalo ngayong panahon ng pandemya.
Dagdag ni Lukban, hangad ng Bulacan PNP na manatili ang katahimikan at kapayapaan sa buong lalawigan kabilang ang maproteksiyonan ang kalusugan ng bawat mamamayan.
Gayondin, nagpapaalala ang pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Fernando sa mga Bulakenyo na mag-ingat at umiwas sa mga politikong may personal interest na gustong baliin ang itinakdang batas o panuntunang pangkalusugan ngayong pandemya.
(MICKA BAUTISTA)