ARESTADO ang walong drug suspects kabilang ang isang Malaysian national na nakumpiskahan ng mga ahente ng PDEA Central Luzon ng P102,000 halaga ng hinihinalang shabu nitong nakaraang Huwebes, 14 Oktubre sa Brgy. Sto. Niño, Balibago, lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni PDEA-3 Director Bryan Babang ang mga nadakip na sina Stephanie Emaas, alyas Tisay, 31 anyos; Jordan Dela Cruz, 30 anyos; Milanio Leyva, 57 anyos; Edmundo Monzor, 62 anyos; Mark Anthony Pasukin, 31 anyos; Jonel Salvador, 30 anyos; Aurelio Naigui, 60 anyos; at Misa Asen, 45 anyos, isang Malaysian national, pawang mga residente sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Babang, nagsimula ang operasyon sa impormasyong ibinigay ng isang mamamayan tungkol sa malawakang pagtutulak ng shabu ng grupo.
Nagresulta ang ikinasang entrapment operation sa pagkakumpiska ng mahigit 15 gramo ng hinihinalang shabu, tinatayang ang nagkakahalaga ng P102,000; iba’t ibang drug paraphernalia; at buy bust money.
Nakatakdang ihain sa korte ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga arestadong suspek. (MICKA BAUTISTA)