NADAKIP ang anim na drug suspects nang salakayin ng mga awtoridad ang isang pinaniniwalaang drug den sa Purok 6, Dominic St., Brgy. Calapacuan, Subic, sa lalawigan ng Zambales, nitong Huwebes, 14 Oktubre.
Inilatag ang entrapment operation ng mga anti-narcotic operatives ng PDEA Region III, CIDG Zambales, at Subic Municipal Police Station (MPS).
Kinilala ni PDEA Central Luzon Regional Director Bryan Babang ang mga naarestong suspek na sina Robert Bañaga, 42 anyos; Allan Salandan, 42 anyos; Jayson Tarales, 18 anyos; Sarman Acosta, 32 anyos; Elmer Tanamal, 50 anyos; at John Vincent Arizo, 28 anyos, pawang mga residente sa nabanggit na lugar.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakompiska ng apat na selyadong plastic sachet na naglalaman ng halos 15 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P102,000; sari-saring drug paraphernalia; at marked money na ginamit ng poseur buyer.
Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. (MICKA BAUTISTA)