NALUTAS ng pulisya ang kaso ng panggagahasa at pagpatay sa isang 16-anyos dalagita sa bayan ng Mexico, lalawigan ng Pampanga, nang maaresto ang pangunahing suspek sa krimen nitong Miyerkoles, 13 Oktubre.
Batay sa ulat mula kay P/Col. Robin Sarmiento, acting provincial director ng Pampanga PPO, kinilala ang nadakip na suspek na si Edgar Torres, 36 anyos, residente sa Brgy. Tangle, sa nabanggit na bayan, isa sa mga most wanted persons sa municipal level.
Nasakote si Torres sa inilatag na manhunt operation sa Brgy. Sto. Niño, lungsod ng San Fernando, sa naturang lalawigan, sa krimeng Rape with Homicide sa ilalim ng Criminal Case No. 32527, walang itinakdang piyansa.
Inisyu ang warrant of arrest laban kay Torres ni Presiding Judge Mary Ann P. Padron- Rivera, ng San Fernando City RTC Branch 46, may petsang 7 Oktubre 2021.
Nabatid na si Torres ang pangunahing suspek sa panggagahasa sa isang 16-anyos dalagitang iniulat na nawala noong 1 Marso 2021 at natagpuang naaagnas nang bangkay na walang saplot noong 3 Marso, dakong 10:00 am, sa isang abandonadong bahay sa Brgy. Tangle, bayan ng Mexico. (MICKA BAUTISTA)