SUNOD-SUNOD na pinagdadampot ang siyam na hinihinalang tulak ng ilegal na droga at dalawang pugante sa serye ng mga operasyong isinagawa ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang Huwebes ng umaga, 14 Oktubre.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Manuel Lukban Jr., acting provincial director ng Bulacan PNP, naaresto ang siyam na suspek sa droga sa buy bust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng mga operatiba sa Obando, Plaridel, Pulilan, San Jose Del Monte, at Bulacan Provincial Intelligence Unit (PIU).
Kinilala ang mga suspek na sina Felicio Magtalas, alyas Tisyo; Gina Magtalas, alyas Ina, kapwa residente sa Brgy. Dulong Malabon, Pulilan; Josielyn Lopez ng Brgy. San Pedro, San Jose del Monte; Alvin Santos ng Brgy. Banga 2nd, Plaridel; Roi Valerio ng Brgy. Lagundi, Plaridel; Manuel Jose Tapang, alyas MJ ng Brgy. Dampol, Plaridel; Celoriano Magtalas, alyas CJ, at Ralf Gregor Dancel, alyas Patpat, kapwa mula sa Brgy. Pembo, sa lungsod ng Makati.
Nakompiska mula sa mga suspek ang kabuuang 54 pakete ng hinihinalang shabu, timbangan, at buy bust money na dinala sa Bulacan Provincial Crime Laboratory Office para sa naaangkop na pagsusuri.
Gayondin, arestado ang dalawang pugante sa inilatag na manhunt operations ng mga tauhan ng Meycauayn CPS at mga operatiba ng San Jose del Monte CPS, 1st at 2nd PMFC, 301st RMFB3, PHPT Bulacan, 24th Special Action Company (SAF), at 3rd SOU-Maritime Group.
Kinilala ang mga akusadong sina Jonathan Sarra ng Brgy. Minuyan IV, San Jose del Monte, para sa mga kasong Sexual Assault, Acts of Lasciviousness, at paglabag sa Anti-Child Abuse Law; at at Godjay Gorre ng Brgy. Pandayan, Meycauayan, sa paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence against Women and their Children).
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit/office ang dalawang akusado para sa kaukulang disposisyon. (MICKA BAUTISTA)