HATAWAN
ni Ed de Leon
ALAM mo Tita Maricris, kung kami ang makakausap niyang si Roderick Paulate, sasabihin naming mag-concentrate siya sa pag-aartista. Aba, mas malaki ang kita niya bilang artista kaysa konsehal ng district 2 ng Quezon City. Pero iyang si Kuya Dick kasi, ayaw daw siyang tantanan ng mga mga constituent niya na naghirap ng todo simula noong pandemya, at naniniwalang hindi nila sasapitin ang ganoon kung nakapuwesto si Kuya Dick. Kaya si Kuya Dick naman, nabagbag ang damdamin at ayan kumandidato na naman.
Hindi na niya kailangang mangampanya. Hindi rin niya kailangang magdala ng sako-sakong pera, o mamigay ng sasakyan sa mga barangay chairmen. Mananalo iyang si Kuya Dick dahil alam na nila at naranasan na nila kung paanong magmalasakit sa kapwa niya tao iyan. Iyong kakainin na lang niya ipamimigay pa eh. Sayang, hindi kami magka-distrito ni Kuya Dick, pero kung nagkataon, iboboto namin iyan.