INARESTO ng mga pulis na nagmamando ng checkpoint sa bayan ng Porac, lalawigan ng Pampanga, ang isang pinaniniwalaang notoryus na miyembro ng isang criminal gang nitong Huwebes, 7 Oktubre.
Sa ulat mula kay P/Col. Robin Sarmiento, acting provincial director ng Pampanga PPO, dakong 9:00 pm, habang nagpagpapatrolya ang Mobile Patrol Team at Intelligence Unit ng Porac Municipal Police Station (MPS) ay naglatag sila ng dragnet operation sa Brgy. Cangatba, sa naturang bayan.
Kaugnay ito sa itinawag na ulat na ninakawan ng motorsiklo ang biktimang kinilalang si Jerby Quendan, nagresulta sa pagkakadakip kay Arcee Dizon, 25 anyos, nakatala bilang drug personality at miyembro ng notoryus na Sigue Sigue Sputnik Gang.
Lumitaw sa imbestigasyon, pinahinto ng operating troop ang motorsiklong minamaneho ng suspek ngunit imbes makipagtulungan ay biglang nag-U-turn sa pagtatangkang umiwas sa mga pulis ngunit nakorner din kalaunan.
Narekober bilang mga ebidensiya mula kay Dizon ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng bala; dalawang selyadong plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, may timbang na dalawang gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P13,600; dalawang pirasong P100 bills; at motorsiklong Yamaha Mio, walang plaka, positibong kinilala ni Quendan na kanyang pag-aari.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 3, Article 151 ng RA 10883; Section 11 ng RA 9165; at RA 10591 na isasampa sa korte.
(MICKA BAUTISTA)