NASAKOTE ng pulisya ang sampung drug suspects kabilang ang isang Chinese national at miyembro ng isang sindikato sa magkakahiwalay na operasyon sa Southern Metro Manila kamakalawa.
Sa Makati City, kinilala ang mga suspek na sina Jomar Ochoa, 41 anyos, ng Jacinto St., Barangay Rizal at Rogelio Ortega, 56, ng Kalayaan Avenue, Barangay West Rembo.
Sa report, dakong 3:10 pm nang mahuli si Ochoa ng Makati City Drug Enforcement Unit (DEU) sa Jacinto St., Barangay Rizal sa isang buy bust operation. Nakompiska sa suspek ang 4.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P30,600.
Bandang 8:45 pm nang maaresto si Ortega sa Kalayaan Avenue, Barangay West Rembo sa isa pang buy bust operation at nakuha ang pitong gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P47,600.
Sa Las Piñas City, 4:00 pm nang madakip ang suspek na sina Ryan Morillo, 38 anyos, at Alex Amaro, 56, sa ikinasang Oplan Galugad ng pulisya sa James St., Gloria Compound, Barangay Pilar. Nasamsam sa dalawa ang 15 gramo ng hinihinalang shabu, tinatayang P102,000 ang halaga.
Nahuli dakong 3:00 pm sina Rz Navarro, 27; Ruzzel Navarro, 25, at Ryan Lladoc, 23, sa Esporlas Itaas, Brgy. Putatan, Muntinlupa City sa isa pang buy bust operation at nakuha sa kanila ang 1.2 gramo ng pinaghihinalaang shabu.
Sa Pateros, 3:40 pm nang madakip sa Barangay Santa Ana ang suspek na si Jefferson Alameda, 39, miyembro ng Rolan Sanchez Drug Group, sinabing supplier ng droga sa Taguig at sa nabanggit na bayan. Nakuhaan ng mga pulis ng dalawang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P13,600.
Samantala, dakong 11:00 pm nang madakip ang Chinese national na si Hu Peng Wei, 29 anyos, sa Pearl Plaza, Quirino Avenue, Brgy. Tambo, Parañaque City.
Matapos makatanggap ng tawag sa telepono ang mga pulis mula sa security staff ng naturang establisimiyento, na may dala umanong droga ang suspek at positibong nakuhaan ng apat na gramo ng hinihinalang shabu, may halagang P27,200.
Ang lahat ng nakompiskang droga ay dinala sa SPD Crime Laboratory para sa pagsusuri habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (GINA GARCIA)