NABULGAR ang pagnanakaw ng mga kawad ng koryente sa linya ng isang major electric company nang masakote ang pito kataong may kagagawan nito sa operasyong isinagawa ng pulisya sa bayan ng San Miguel, lalawigan ng Bulacan, noong Miyerkoles ng hapon, 6 Oktubre.
Kinilala ang mga naarestong suspek, pawang subcontractor ng electric company, na sina Isidro Parcon, Alexander Cruz, Jeffrey Dionisio, Jayson Luna, John Eleazar Angeles, Hero Gil Flores, pawang mga residente sa Baliwag; at Arvin Oquindo, residente sa Bustos.
Dinakip ang mga suspek ng mga elemento ng San Miguel Municipal Police Station (MPS) sa Brgy. Sta Rita Bata, sa nabanggit na bayan, dakong 3:00 pm, kamakalawa.
Napag-alamang ikinasa ang operasyon laban sa mga suspek makaraang magreklamo ang electric company sa pagkawala ng maraming kawad ng koryente sa kanilang mga linya.
Sa operasyon, naaktohan ng mga awtoridad ang mga suspek sa pagtatago ng mga kawad ng koryente na tinatayang nagkakahalaga ng P15,000 sa loob ng subcontractor’s service vehicle habang ang ilan ay nasa bag ng mga suspek na sina Jayson Luna at John Eleazer Angeles.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa San Miguel MPS Jail habang inihahanda ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek. (MICKA BAUTISTA)