MULING nagsagawa ng ibayong kampanya laban sa kriminalidad ang pulisya sa lalawigan ng Bulacan, na nagresulta sa pagkakadakip sa 12 pasaway ang naaresto sa iba’t ibang bayan hanggang nitong Martes ng umaga, 5 Oktubre.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, sangkot sa ilegal na droga ang anim sa nadakip na mga suspek.
Nadakip ang mga akusado sa ikinasang anti-illegal drug operations ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Baliwag, Bocaue at Plaridel MPS.
Kinilala ang mga suspek na sina Jaime Valenzuela, Jr., alyas Paw, ng Brgy. Tabang, Plaridel; Benedict Sareno at Samantha Sareno, kapwa residente sa Brgy. Bambang, Bocaue; Arnel Toralde ng Brgy. Batia, Bocaue; Rommel Gabriel ng Brgy. Guyong, Sta. Maria; at Felino Dela Cruz, alyas Bolong, ng Brgy. Sulivan, Baliwag.
Gayondin, nasakote ang tatlo katao sa pagresponde ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na insidente ng krimen sa bayan ng Norzagaray at lungsod ng Meycauayan.
Kinilala ang mga natimbog na suspek na sina Jansen Lingad ng lungsod ng Valenzuela; Lito Sereno ng Quezon City, kapwa inaresto sa kasong malicious mischief; at Jonathan Bragais ng Brgy. Bigte, Norzagaray para sa kasong theft.
Inaresto rin ang tatlong wanted persons sa iba’t ibang manhunt operations sa bisa ng warrants of arrest na isinilbi ng tracker teams ng Malolos CPS, SJDM CPS, 1st at 2nd PMFC, 301st MC RMFB3, PHPT Bulacan at 24th Special Action Company (SAF).
Kinilala ang mga arestadong sina Maricris Caacbay ng Bgry. Citrus, San Jose del Monte sa kasong paglabag sa RA 10175 o Cyber Crime Prevention Act of 2012; Eden Sanchez ng Brgy. Gaya-gaya, San Jose del Monte; at Bondoc Bryant ng Malolos sa kasong Falsification of Commercial Documents in relation to RA 10175. (MICKA BAUTISTA)