HINIMOK ng lokal na Inter-Agency Task Force sa Nueva Ecija ang mga alkalde nito na paigtingin ang kanilang quarantine facilities para maiwasan ang pagdami ng bilang ng mga residente na may CoVid-19 at naka-home quarantine.
“‘Yung mayors, I believe they are doing their best. Mahirap lang talagang i-manage nang basta-basta dahil parang sampal sa atin itong CoVid na ito na walang preparasyon ang lahat,” pahayag ni Fr. Arnold Abelardo, tagapagsalita ng lokal na IATF ng Nueva Ecija.
Ayon kay Abelardo, “kaya maraming hawaan na nagaganap sa mga bahay-bahay ay dahil karamihan ng CoVid-19 cases ay nasa kani-kanilang mga bahay sa halip nasa quarantine facilities kung saan mas maigi sana silang matututukan.”
“Ang active cases namin sa Nueva Ecija nasa 2,800 pero out of this, ang nasa quarantine facilities lamang ay nasa 233 samantala ang nasa home quarantine ay nasa 2,280 kaya po aming kinakausap ang mga mayor na sana i-activate ‘yung mga quarantine facilities para matutukan itong mga pasyente,” ani Abelardo.
Hindi lamang umano mga residente ng Nueva Ecija ang dinadala sa kanilang ospital dahil maging mga taga-karatig bayan ay kanilang sineserbisyohan.
“Mapipigil natin itong transmission na ito kung paiigtingin ang mga quarantine facilities, ‘yung protocol at pagtutulong. I-establish quarantine facilities, ‘pag may nag-CoVid, ilagay agad doon tapos tulungan ang pamllya,” aniya. (MICKA BAUTISTA)