AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
PRINSIPYO at siyempe panalangin at tiwala sa Maykapal ang nakikita natin kaya walang takot na haharapin sa korte ng isang rape victim at ng kanyang pamilya ang masasabing maimpluwensiyang tao sa lalawigan ng Quezon.
Kamakailan, naglabasan sa mga pahayagan ang pag-aresto ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kay Lopez, Quezon Councilor Arnie Manuel Yulde. Dinakip ang mama sa bisa ng warrant of arrest sa kasong isinampa laban sa kanya ng isang 18-anyos dalaga. Panggagahasa ang kasong kinahaharap ng Konsehal.
Hayun, si Yulde sa ngayon ay naghihimas ng malamig na rehas sa kanyang selda – no bail – sa pagkakaalam ko ang kasong panggagahasa. I hope na walang VIP treatment kay Yulde sa kulungan. Well, ano pa nga ang dapat na gawin ng konsehal kung hindi ipangtanggol sa korte ang sarili bagamat, kanyang pinabulaanan ang akusasyon.
Kahanga-hanga ang biktimang itinago muna natin sa pangalang Petra. Sa press conference nitong nakaraang Huwebes, 30 Setyembre 2021, may ibinunyag ang biktima. Sinusuhulan daw siya at ang kanyang pamilya para iatras ang kaso laban kay Yulde. Ha! Ganoon ba? Sino naman ang nagtangkang manuhol?
Pero prinsipyo ang higit na importante sa biktima at sa kanyang pamilya. Hindi sila pumatol sa suhol na P3 milyon. Wow! Ang laking halaga. Yes, pero hindi nagpadala ang pamilya sa pera.
Hindi naman si Yulde ang sinabing nanuhol ayon sa naglabasang ulat sa ilang pahayagan, kung hindi mga tauhan daw ni… ops, teka ha, mga nagpakikilang tauhan lang… meaning maaaring walang kinalaman ang ginamit na tao.
Opo, ibinunyag sa presscon ni Petra na isang abogado na nagpakilalang tauhan ni Quezon Province Gov. Danilo Suarez ang nag-alok ng tumatangginting na P3 milyon sa biktima o pamilya nito. Inuulit natin ha, in fairness kay Gov. Suarez, maaaring ginamit lang ang kanyang pangalan dito.
Ano pa man, ayon sa dalaga, ang kapalit daw ng P3 milyon ay ang pag-urong sa inihain niyang demanda laban kay Yulde. Ganoon ba? Gaano kaya katotoo ang panibagong akusasyon na ito? Anyway, anang biktima hustisya ang kanilang ipinaglalaban at hindi salapi. Iyan ang sinasabing prinsipyo.
In short, bigo at luhaang umuwi ang nagpakilalang abogado (daw) siya ni Gov. Suarez. Ulit, baka naman nagamit lang ang pangalan ni Gov. Suarez dito at wala siyang kinalaman. Gano’n ba iyon?
Sa pagharap sa media ng biktima kasama ang kanyang ina, si Aling Rosario at abogado na si Atty. Fernando Cayago kinatawan din ni Prof. De Guzman. Ayon kay Aling Rosario, noong 20 Setyembre, pinuntahan sila ng nagpakilalang abogado at dalawa pa, sa dati nilang tirahan sa Pasig City.
Anong nangyari? Hayun, ang panunuhol daw sa kanya ng halagang P3 milyon. Areglohan blues mga bro. P3 milyon kapalit ng kalayaan ni Yulde.
Anang dalaga, pinapipirma raw siya ng isang affidavit of desistance bagay na kanya namang tinanggihan.
Dahil nga nagpakilalang tauhan daw sila (ang abogado at dalawa pa) ni Gov. Suarez, umapela naman ang biktima kay Suarez at sinabing: “Gusto ko pong umapela at manawagan kay Governor Suarez na huwag niyang pakialaman ang kasong isinampa ko laban kay Councilor Yulde. Ang gusto ko, hustisya at hindi pera.”
Sinabi ni De Guzman na kung totoo ang sinasabing pakikialam ni Suarez ay puwedeng sampahan ng kaso sa Ombudsman. Iyan naman ay kung totoong nakikialam ang gobernador. Kasi nga naman puwedeng nagamit lang din ang pangalan dito ni Gov. Suarez.
Gov. Suarez, handa pong pakinggan ng Aksyon Agad ang inyong panig.