NIYANIG ng dalawang insidente ng pagsabog ang Bicol University (BU) campus sa lungsod ng Legazpi, sa lalawigan ng Albay, nitong Linggo, 3 Oktubre.
Naganap ang kambal na pagsabog dakong 6:30 pm kamakalawa, dahilan upang higpitan ng pulisya ang pagbabantay sa peace and order sa rehiyon.
Nabatid, simula noong 1 Oktubre, naka-red alert ang Bicol police para sa paghahain ng certificates of candidacy (COC) ng mga nagnanais tumakbo sa halalan sa May0 2022.
Sa ulat mula sa Philippine National Police Explosive Ordinance Disposal unit, narekober ang dalawang cartridge mula sa M203 grenade launcher sa pinangyarihan ng mga insidente ng pagsabog.
Ayon kay P/Maj. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol police, natagpuan ang mga cartridge ng grenade launcher sa napinsalang madamong bahagi ng campus at sa kalapit na side walk sa harap ng administration building.
Walang naiulat na nasaktan sa dalawang pagsabog.
Ani Calubaquib, magsasagawa sila ng mas malalim na imbestigasyon upang matukoy ang pinanggalingan ng mga cartridge at kung sino ang may-ari nito.
Samantala, sinuspende nitong Lunes, 4 Oktubre, ang trabaho sa main campus ng Bicol University sa Legazpi at sa Daraga .
Pahayag ni Arnulfo Mascariñas, pangulo ng BU, nais nilang maseguro ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado kaya minabuting ipatupad ang sistemang ‘work from home’ at babalik lamang sa campus kapag tapos na ang imbestigasyon.