INARESTO ng mga awtoridad ang 13 Chinese nationals na nagpapatakbo ng ilegal na online activities sa operasyong ikinasa sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga, nitong Linggo, 3 Oktubre.
Sa ulat mula kay P/Col. Rommel Batangan, direktor ng Angeles City Police Office, inihain ng mga operatiba ng CIDG CFU Angeles at CIDG PFU Pampanga dakong 4:30 pm kamakalawa, ang warrant of arrest sa paglabag sa RA 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998 na inisyu ni Judge Ma. Arabela Eusebio – Rodolfo, presiding Judge ng MTC Clark Field Pampanga, may petsang 1 Oktubre 2021.
Nagresulta ang unang operasyon sa pagkakadakip sa suspek na kinilalang si Dong Fushan, 31 anyos, Chinese national, habang nakatakas ang dalawa niyang kasabwat at nananatiling nakalalaya pa.
Kasunod nito, nagsagsawa ng follow-up operation ang mga awtoridad dakong 5:00 pm noong parehong araw sa 2314-E Rikko Homes Inc., Pinatubo St., Clark Freeport Zone, sa naturang lungsod, na nagresulta sa pagkaaresto ng 12 Chinese nationals na kinilalang sina Liu Xiao Wei, Han Xiao Xue, Dao Ba Wang, Wang Zhe, Xiao Lui, Lixi Zhog, Xiang Zeng, Duan Yu, Mian Hua Tang, Wang Feng, Fang Yan, at Atong Chen.
Nakompiska sa naturang operasyon ang kabuuang 123 piraso ng SIM cards; pitong unit ng monitor-CPU; tatlong piraso ng flash drives; tatlong unit ng wireless PLDT WiFi modem; 13 pirasong mouse; 10 piraso ng credit/debit cards; pitong pirasong Chinese ID; limang pirasong Chinese SIM cards; dalawang pirasong Chinese passports; dalawang pirasong PLDT modem; walong pirasong routers; isang pirasong AWP power supply; 15 pirasong computer keyboards; 92 calling cards; at wires at cords.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998 na inihahanda ng mga awtoridad para idulog sa korte. (MICKA BAUTISTA)