NABUWAG ang operasyon ng mag-inang pinaniniwalaang kapwa high-profile personalities at nasa klasipikasyon na Regional Level Drug Watch List nang maaresto ng mga awtoridad sa anti-illegal drug operation sa Subic, lalawigan ng Zambales, nitong Sabado, 3 Oktubre.
Batay sa ulat mula kay P/Col. Romano Cardiño, acting provincial director ng Zambales PPO, dakong 1:45 am kamakalawa nang magkasa ang mga operatiba ng SDEU, Subic MPS, at PDEU-Zambales ng buy bust operation sa Sitio Agusuhin, Brgy. Cawag, sa nabanggit na bayan.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na target ng operasyon na sina Luzviminda Nipay, 67 anyos, at kanyang anak na si Rico Nipay, 33 anyos, kapwa mga residente sa naturang lugar.
Nakompiska mula sa mag-ina bilang ebidensiya ang 37 piraso ng selyadong plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu, may timbang na 29.9 gramo at DDB value na P203,320; isang pirasong P1,000 bill na ginamit bilang marked money; at isang pouch.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 na inihahanda na upang ihain sa korte. (M. BAUTISTA)