NAKATAKDANG sampahan ng patong-patong na kaso ng Globaltech Mobile Online Corporation sa Office of the Ombudsman si Quezon City Police District (QCPD) director, P/BGen. Antonio Yarra kaugnay sa sinabing utos niyang pag-aresto umano sa mga kawani ng Peryahan ng Bayan kamakailan sa lungsod.
Ayon kay Atty. Bernard Vitriolo ng Globaltech, ito ay direktang paglabag sa karapatan ng kompanya na ipagpatuloy ang kanilang operasyon.
Idinagdag nito na may proper identification ang kanilang mga tauhan na nangangasiwa sa palaro kaya’t hindi maituturing na illegal gambling ang kanilang operasyon.
Matatandaan na ginagarantiyahan ng status quo ante order na iniutos ni Presiding Judge Nicanor A. Manalo, Jr., ng Pasig Regional Trial Court Branch 161 noong 17 Mayo 2016 ang operasyon ng PNB sa pamamahala ng Globaltech.
Batay sa rekord, ang naturang kautusan ay kinatigan din ng Court of Appeals matapos utusan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na patuloy na magpadala ng opisyal na kinatawan para sa PNB draw ng Globaltech.
Noong 14 Enero 2019, ayon sa CA – G.R. SP No. 151727 at CA – G.R. SP No. 154056, nabigo ang petition for certiorari na inihain ng PCSO upang kanselahin ang operasyon ng Globaltech at unanimous na kinatigan ng Court of Appeals ang inilabas na status quo ante order ng Pasig RTC.
Dahil dito, nagpahayag ng pangamba sa media ang isa sa mga opisyal ng QCPD na nakiusap ‘wag banggitin ang kaniyang pangalan.
Ayon sa kaniya, “Nangangamba kaming mga pulis sapagkat naiipit kami sa utos ni DD Yarra at sa umiiral na batas na ang Peryahan ng Bayan (PNB) ay awtorisado ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kaya’t ito ay isang legal na palaro.’
Idinagdag niya na posible silang buweltahan ng kaso ng mga legal na PNB sa lungsod at maiipit ang kaniyang mga tauhan dahil alam naman nilang lahat na matagal nang may umiiral na kautusan ang korte para sa patuloy na operasyon ng PNB ng Globaltech.
“Baka puwede mag-concentrate na lang kami sa pag-aresto sa loteng para legal ang panghuhuli namin, kaysa naman ang huhulihin mo e ‘yung may hawak na papel. Nakapapagod dumalo sa hearing pag kinasuhan ka, bukod pa sa abala at nagagastusan pa kami,” dagdag pa ng opisyal.