SIPAT
ni Mat Vicencio
HINDI na kayang lokohin ang taongbayan, at walang naniniwala sa halos magkasabay na paghahain ng kandidatura ni Senator Bong Go bilang vice president at ni Davao City Mayor Sara “Inday” Duterte sa pagka-mayor.
Sinundan pa ito ng pamamaalam ng isang kengkoy sa katauhan ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na nagdedeklarang siya ay tuluyan nang magreretiro sa politika.
Silip na silip ang galawan ng tatlo, at malinaw na nililito lamang nila ang mga kalabang politiko dahil sa mga susunod na linggo ay inaasahang may mga pagbabago sa kandidatura nina Go at Sara kabilang si Digong.
Marami ang naniniwala, sa pamamagitan ng substitution tatakbo si Sara bilang presidente, bahagi ng kanilang political survival at higit sa lahat proteksiyon sa kanyang amang nahaharap sa patong-patong na kaso.
Mismong si Digong, sa kabila ng kanyang deklarasyong magreretiro na sa politika, ay hindi pinaniniwalaan at pinagdududahan ng marami na tatakbo pa rin bilang bise presidente kapalit ni Go.
Sa Nobyembre 15 nakatakda ang huling araw ng substitution sa mga aatras na kandidato.
Kaya nga, imposible ang sinasabing tuloy-tuloy na ang kandidatura ni Sara sa pagka-mayor dahil bukod sa obligasyong ipagtanggol ang kanyang ama sa mga kasong kahaharapin, ang panawagan ng kanyang mga supporters ay kailangang sundin.
Hindi rin natin pinasusubalian na ang mayayamang campaign contributors sa ngayon ay ‘naghatag’ na kay Sara at umaasang tuloy ang kanyang kandidatura at sa sandaling manalo ay inaasahan ang proteksiyong ibibigay sa kanilang mga negosyo.
Talagang imposibleng hindi tumakbo bilang pangulo si Sara. Malaki ang kanyang tungkulin para ipagpatuloy ang maiiwang programa ng kasalukuyang pamahalaan lalo na ang usapin ng proteksiyon sa kanyang ama na hindi maaaring ibigay ng sinomang magiging bagong presidente.
At hindi rin nakatitiyak si Sara na kung sakaling ibibigay niya kay dating Senator Bongbong Marcos ang kandidatura at manalo bilang presidente ay maibibigay nito ang matibay na proteksiyon kay Digong sa mga kasong kahaharapin.
Kaya naman, walang ibang maaaring gawin si Bongbong kundi ang tumakbo bilang presidente at banggaing tuluyan si Sara dahil na rin sa sitwasyong wala siyang paglalagyan dahil ang posisyon para sa pangalawang pangulo ay nakalaan kay Go o kay Digong.
Sabi nga, labo-labo at matira ang matibay. Kung magulo man ang mga kandidatong kalaban ng administrasyon, higit na magulo naman sina Digong, Sara at Go. Ang saya-saya, noh!