AABOT sa 19 na mga pari at seminarista ang nagpositibo sa CoVid-19 sa Ateneo Jesuit Residences sa Quezon City.
Ayon kay Jesuit Communications executive director Rev. Father Emmanuel “Nono” Alfonso, agad na isinailalim sa lockdown ang apat sa Jesuit residences dahil sa CoVid-19 outbreak.
“Nineteen people at the Ateneo Jesuit Residence in Quezon City have tested positive for the coronavirus disease 2019 (COVID-19),” batay sa pahayag ni Alfonso nitong Martes.
Aniya, 14 dayuhang seminarista sa Arrupe International Residence, dalawang pari, dalawang seminaristang Filipino na nakatira sa Loyola House at isang seminarista sa Jose Seminary ang nagpositibo rin sa virus.
Pansamantalang inihiwalay ang iba pang mga pari at seminarista mula sa mga retiradong pari upang maiwasang mahawaan ang komunidad.
Ang mga nagpositibo sa CoVid-19 ay asymptomatic at ikinokonsiderang mild cases. Mga bakunado na rin sila laban sa CoVid-19.
Napag-alaman, may tatlong pari na ang namatay dahil sa CoVid-19 noong nagsimula ang pandemya. (ALMAR DANGUILAN)