SIPAT
ni Mat Vicencio
INAASAHANG gera-patani na naman ang mangyayari sa dalawang babaeng malapit kay dating Senator Bongbong Marcos lalo na ngayong inaabangan ng marami ang paghahain ng kanyang kandidatura (certificate of candidacy (COC) filing) na magsisimula sa Oktubre 1 hanggang 8.
Hindi iilan ang nagsasabing mauulit at magiging matindi ang gulo na magaganap sa pagitan ng dalawang babae kapag lumarga na ang kampanya para sa inaasahang presidential bid ni Bongbong.
Mahirap awatin ang dalawang babaeng malapit kay Bongbong, at tulad ng dati maraming madadamay at ang iba naman ay kakalas na lamang sa kampanya kaysa maipit sa dalawang batong nag-uumpugan.
At hindi lamang media group handling ang pinag-aawayan ng dalawang babae, kundi kung sino mismo ang susundin sa pagpapatakbo ng kampanya ni Bongbong at kung sino rin ang dapat na tanghalin sa kanila bilang ‘reyna’.
Lagi’t lagi, ang problema sa bangayan ng dalawang babae ang maituturing na bulabog kapag sumasapit ang kandidatura ni Bongbong. Walang ginawa ang dalawa kundi ang magbangayan na nagreresulta ng hindi maayos na takbo ng kampanya.
Ang nakapagtataka ay kung bakit iwas-pusoy lagi si Bongbong. Wala tayong nabalitaan sa mga nagdaang gulo ng kanyang kandidatura na pumagitna o pinag-ayos man lamang ang bangayan ng dalawang babae.
Tahasang masasabing konsintidor si Bongbong! Ayaw niyang masasaling ang isa man sa dalawang babaeng malapit sa kanya kahit na magresulta ng gulo at hindi maayos na pagpapatakbo ng kanyang kampanya.
At kung totoo mang pera ang isa sa pinag-aawayan ng dalawang babae, dapat sigurong makialam na si Bongbong. Nakahihiya kasi kung galing ito sa campaign contributions na nakalaan para gastusin sa kandidatura at hindi para ibulsa.
Maaaring pag-isipan pa si Bongbong na nakikinabang siya sa pinag-aawayan ng dalawang babae kaya hindi siya kumikibo at kumikilos para awatin ang nasabing gulo ng dalawang mahal niya sa buhay.
Kaya nga, mabuting umaksiyon na si Bongbong, at habang maaga ietsapuwera niya ang dalawang babae sa kampanya dahil malamang na maging dahilan ito ng kanyang pagkatalo sa halalan. ‘Yan ay kung kayang gawin ni Bongbong!