BINAWIAN ng buhay ang isang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa bayan ng Silang, lalawigan ng Cavite, matapos suntukin sa tiyan ng kanyang upperclassman nitong Huwebes, 23 Setyembre.
Kinompirma ni P/Lt. Col. Louie Gonzaga, hepe ng PNPA public information office (PIO) ang pagkamatay ni Cadet 3rd Class Karl Magsayo ng PNPA Batch 2024.
Ayon sa ulat ng Silang municipal police nitong Biyernes, 24 Setyembre, nagtungo ang 21-anyos na si Magsayo at ang kanyang kaibigan sa silid ng suspek na kinilalang si Cadet 2nd Class Steve Cesar Maingat na limang beses sinikmuraan ang biktima hanggang nawalan ng malay, dakong 5:40 pm noong Huwebes.
Agad dinala si Magsayo sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival dakong 6:43 pm.
Nasa kustodiya ng Silang police ang suspek na nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ngayong Lunes, 27 Setyembre.
Samantala, bumuo si PNPA director P/Maj. Gen. Rhoderick Armamento ng special investigation group upang siyasatin ang insidente.
Gayondin, tinitiyak ni Gonzaga sa publiko at sa pamilya ng pumanaw na kadete, mahigpit nilang ipinatutupad ang anti-hazing policy.
Sa pagdalaw ni Chief PNP P/Gen. Guillermo Eleazar sa PNPA, ipinangako niya sa ina ni Magsayo na papanagutin ang suspek sa pagpanaw ng anak.
Si Magsayo ang pinakahuling kadeteng namatay sa loob ng PNPA.
Noong Hulyo 2020, dalawang kadeteng kabilang din sa PNPA Class of 2024 ang binawian ng buhay sa loob ng police academy na sina Cadet 4th Class Kenneth Ross Alvarado dahil sa heat stroke at Cadet 4th Class Jiary Jasen Papa dahil sa mababang potassium.