NASAKOTE ng mga awtoridad ang isang 70-anyos lolo, hinihinalang tulak, ang kanyang kasabwat, at 11 nilang ‘parokyanong’ huli sa aktong sumisinghot ng droga sa lungsod ng Marikina, nitong Sabado, 25 Setyembre.
Kinilala ni P/Col. Benliner Capili, hepe ng Marikina PNP, ang mga nadakip na sina Exequiel Bautista, 70 anyos; Jeffrey Moquite, 30 anyos, alyas Boss, hinihinalang mga tulak; at Brandon Ramiro, Jr.; Melvin Mendoza; Allan Rodriguez; Roberto Villa; Rosielyn Takahashi; Marvin de Guzman; Henry Macawili; Crisanto Adriano; John Rusta Lencioco; Marlon Mojica; at Joseph Felias, pawang nahuli sa pot session.
Dakong 4:45 pm kamakalawa nang arestohin ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Marikina CPS ang 13 suspek sa JP Rizal St., Brgy. Concepcion Uno, sa lungsod, sa ikinasang buy bust operation laban kina Bautista at Moquite, base sa impormasyong ginagawang drug den ang lugar.
Nakompiska mula sa mga suspek ang ilang transparent heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu at dito naispatan ang 11 kataong nag-aagawan sa pagsinghot ng ilegal na droga (pot session) sa loob ng bahay.
Nakuha mula sa mga suspek ang 10 plastic sachet na may kabuuang timbang na siyam na gramo at nagkakahalaga ng P61,200; shabu paraphernalia tulad ng aluminum foil, binilot na aluminum foil, dalawang lighter, coin purse, P800 at P500 cash buy bust money, tatlong cellphone, at isang stainless case.
Kasalakuyang nakapiit sa detention cell ng pulisya ang mga nadakip na suspek at haharapin ang kasong paglabag sa Section 5, 11, 13 at 14 ng Article ll ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(EDWIN MORENO)