NAUNA nang binakunahan ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang 1,000 manggagawa sa industriya ng konstruksiyon at manupaktura ng Sinovac vaccine bilang bahagi ng 10,000 target mabakunahan kaugnay ng pangako ng National Employment Recovery Strategy (NERS) Task Force na mapadali para sa mga manggagawa sa ilalim ng proyektong Reform. Rebound. Recover: 1 Million Jobs for 2021.
Sa ginanap na paglulunsad ng programa na ginanap sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod ng Malolos nitong Linggo, 26 Setyembre, sinabi ni Gob. Daniel Fernando na hudyat ang mga katulad na programa sa pagbangon ng lokal at nasyonal na ekonomiya.
“Tunay na napakagandang oportunidad po nito para sa ating mga manggagawang Bulakenyo dahil may trabaho na, may bakuna pa. Tayo naman po sa pamahalaang panlalawigan at bilang bahagi ng People’s Agenda 10, sisiguraduhin natin na may masiglang kabuhayan, kalakalan, at trabaho para sa bawat Bulakenyo,” anang gobernador.
Samantala, umapela si Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Benjo Santos Benavidez sa mga manggagawa, lalo sa mga nasa industriya ng konstruksiyon na magpabakuna, dahil ang mga bakuna ay libre, ligtas, at epektibo.
“Pauna pa lamang po ito. Sa mga susunod na linggo ay itutuloy natin ang pagpapabakuna sa mga manggagawa sa construction at manufacturing sectors kasama na po ang supply chain,” ani Usec. Benavidez.
Babakunahan kontra CoVid-19 ang natitirang hindi pa bakunadong mga manggagawa ng konstruksiyon at manupaktura kung ano ang mayroon sa araw ng kanilang iskedyul.
Layunin ng proyektong Reform. Rebound. Recover: 1 Million Jobs for 2021, na agarang makapagpadala ng mga manggagawang Pinoy sa construction, manufacturing, partikular sa semiconductors at electronics, tourism and hospitality, at export industries, sa ilalim ng policy environment na makatutulong sa paglikha ng trabaho sa buong bansa.
(MICKA BAUTISTA)