Saturday , December 21 2024
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman
TAYANGTANG ni Mackoy Villaroman

Politikang labo-labo

TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman

NAKAKAINTERES at umiinit na ang nagbabadyang kampanya. Sa 8 Oktubre 2021 ang huling araw ng pagsusumite ng “certificates of candidacy” para sa darating na “national elections” sa 2022. Ito ay pinakaaabangan ng marami nating kababayan dahil bukod sa pagkakataong ito para mamili ng susunod nating pangulo, ito ay pagkakataon ng marami na kumita ng pera mula sa paggawa ng materyales pangkampanya, nagpapaarkila ng sasakyan, mga sound system at entablado, pati ang serbisyo tulad ng tagapaskil ng poster hanggang sa pagiging poll watcher. Sa maikli, marami ang makikinabang, partikular ang mga nasa laylayan ng lipunan.

Pero ayon sa mga datos, mahahati ang uri ng botante sa dalawang klase: ito ‘yung maiingay at mapanuri na kalimitan ay nasa klasipikasyon na A, B o C, o ang tinaguriang Upper hanggang Middle class. Ang pangalawa ay ang D at E o nasa laylayan o lower to lower middle class. Sila ang tahimik at mararamdaman lamang tuwing sasapit ang halalan, at sila ang pinakamarami, at pinakaapektado ng galawang sosyo-ekonomiko. Sila rin ang pinakanapabayaan ng pag-angat ng pamumuhay, at sa kanila rin nanggagaling ang mga nagbebenta ng boto. E bakit nga naman?

Minsan lang sa loob ng tatlong taon sila nagkakaroon ng pagkakataon na may pupunta sa lugar nila at mag-aalok ng pera kapalit ng pangalan na ilalagay sa balota. ‘Ika nga ito ay ‘easy money’ at sa mga maralita at salat sa pamumuhay malugod na tinatanggap ang biyaya.

Heto ang naging kawikaan sa maraming lugar, kaya pinakinabangan ang pagkasalat ng marami ng mga politiko. Dapat baguhin ito. Pero hangga’t hindi mapagtanto na ang boto ay sagrado, kasing sagrado ng puri, hindi mawawala ang kawikaang ito. Mababago lamang ang lahat sa pamamagitan ng pag-aaral sa kasaysayan. Pinakamadali?

Ang boto ay parang maselang bahagi ng iyong katawan. Hindi mainam na ibinebenta ito.

*****

KUNG ihahambing natin sa sabong ang darating na eleksiyon, magigisnan natin ang mga ganador na sasabak dito. Nariyan ang mga galing sa manukan ng Hilaga, galing sa pamilya ng ganador na ilang beses tumitilaok, nagpapakita ng makintab na balahibo na alaga sa katas ng kinamkam ng ama, pero sa kalaunan ay nagkakawag-kawag at umuuwing talunan dahil ang kinalaban na tila’y kimi, at hindi makabasag-pinggan ay isa palang binalake. Tatlong beses nakatikim ng sadsad sa lapag ng palitada, tatlong beses kumain ng ipot ng manok.

Mayroon din ganador na panay giri. Kaso binabae pala ito. ‘Yung piling panegundo ay gumon pala sa sopdrink. Marami ang nagdududa sa pruweba nito. Tingin nila kolorete lang na ipinapahid sa pisngi niya para mamula.

Nandiyan din ang talisain mula sa Tondo. Ito sa umpisa pa lang giri nang giri at mainit na mainit. Minsan inaya ni binalake na maging panegundo niya ngunit may ibang plano pala siya at iniwang luhaan ang binalake.

Heto ang nakatutuwa, ang ganador na beterano ng bakbakan sa ring. Pagdating sa labanan walang kaduda-duda na beterano siya at handang makipagbakbakan.

Problema lang, sabong ito at hindi boksing. Kaya ng maliit niyang isip ang manatiling ganador sa loob ng tupada?

And’yan din si Tweety Bird na pinalaki at pinataba sa loob ng kaldero. Pero marami ang nangangamba na ang hugis-posporo niyang ulo ay simbolo ng ningas-cogon lamang, at tulad ng kanta ni Bon Jovi ang sabong niya ay “Shot down in a blaze of glory.”

Andiyan din ang pato, opo, hindi ko nakalimutan ang pato, dahil pinatakbo ito ng amo niyang “cull,” dahil gustong makaiwas ang among cull na gawin siyang tinola sa ICC.

Mabalik tayo sa dumalagang sinasamba ng marami. Walang masama kung papasok siya sa sabungan, dahil batid ko ang lakas ng hatak niya sa maraming tumitingala sa kanya. Oo, nagmistula siyang si Don Quixote na nakaumang sagupain ang “molino de viente.” Pero hanggang ngayon nakaumang pa rin. Tuloy ang mga tumitingala nakatunganga na lang at inaabangan ang ‘sultada.’ At ipinapanalangin na maisasama si binalake sa koponan ng mga “llamado.”

Huwag natin kalimutan ang talisaing tahimik ngunit mabalasik, na tumimbre sa mga nagkakatay, may cull na nagtatago, at takot na takot magilitan. Ito po ang sumesegundo sa pato. Opo kakaibang birada ang ipinakita ng talisain na ito.

Kaya ito ang manok na napupusuan ko. Tahimik, ngunit matindi ang siyapol.

*****

MGA PILING SALITA

Philip Lustre Jr:

“WHAT happens next after the ICC has approved the Prosecutor’s recommendation to conduct formal investigation on crimes against humanity charges lodged against Duterte et al?

According to Chief Justice Ma. Lourdes Sereno in a post: “The ICC PROSECUTOR will now start organizing his team of prosecutors assigned to the case. They should be issuing formally invitations to witnesses for testimonies, gather evidence, and when they have enough evidence to believe they can go to trial, may ask the ICC to issue warrants of arrest, and compel the suspects to answer. All member-parties have the duty to cooperate (including securing the arrest of suspects) and turn them over to the ICC. At this point, we the public have no idea whether the ICC Prosecutor has enough evidence to ask the ICC to issue arrest warrants.’

The Prosecutor is Karim Khan, a British lawyer who has replaced Fatou Bensouda, when she retired on June 15 this year as chief of the ICC’s Office of the Prosecutor. Certain parties have expressed they have submitted many pieces of evidence to the ICC when it was evaluating the charges filed in 2017 by Sonny Trillanes and Gary Alejano. In fact, it was the ICC, through Bensouda, have the evidence. Unbeknownst to Duterte and his co-conspirators, these parties have joined Trillanes and Alejano in the fight and their participation has been in the collation of these pieces of evidence. Abangan…”

Bayani Santos:

“Hindi na ako magpatumpik-tumpik pa. Ang mga kamag-anak kong bomoto at sumuporta sa mga Marcos at mga Duterte, handa kong talikuran at kalimutang kadugo. Ikahihiya ko ang mga kamag-anak na nagtataguyod ng mga magnanakaw at mga kriminal. Kasunod ng pag-ibig sa Diyos ang pagmamahal sa Inang Bayan…”

[email protected]

About Mackoy Villaroman

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *