TAYANGTANG
ni Mackoy Villaroman
NOONG Lunes, naglabas ng isang malakas na pasabog si Sonny Trillanes. Isiniwalat ni Trillanes ang pagtanggap ng mga kompanya ng ama at kapatid ni Bong Go ng proyektong road-widening at concreting sa Davao na nagkakahalaga ng kabuuang P6.6 bilyon.
Nakakuha ang kompanyang CLTG na pag-aari at pinamamahalaan ni Desiderio Lim, ama ni Bong Go ng 125 road widening projects sa Davao City mula Marso hanggang Mayo, 2018.
Umabot ang mga proyekto ng P3.2 bilyon. Samantala ang kompanyang Alfrego Builders na pag-aari ni Alfredo Amero Go, kapatid ni Bong Go sa ama, ay nakakalawit ng 59 proyekto mula Hunyo 2007 hanggang Hulyo 2018 at nagkakahalaga ng kabuuang P1.74 bilyon.
Ibinigay ang mga proyekto noong alkalde pa ng Davao City si Duterte hanggang maging pangulo siya. Sa isang video na lumabas sa YouTube, inakusahan ni Trillanes si Duterte at Go ng ‘plunder’ o pandarambong.
Ani Trillanes: “Maliwanag na ginamit ni Bong Go ang kaniyang posisyon, in connivance with and obvious consent of Duterte as mayor and later on as president, para makinabang ang kanyang pamilya.”
Magsasampa siya ng kaso sa korte, ngunit mangyayari lamang ito kapag natapos na ang termino ni Mr. Duterte. Sumagot si Presidential Spokesman Harry Roque: “Matagal na pong negosyo ng pamilya ni Senator Bong Go ang pangongontrata para sa infra projects. Tama naman dahil ang sinasabi niya e may mga proyekto diumano na 2007 pa. Ano naman ang pakialam ni Senator Bong Go doon sa mga kontrata na 2007 pa, mukhang naka-shorts ba si Senator Bong Go?”
Ito ang masasabi ko. Nasa poder ang amo ni Harry Roque, at puwede niyang brasuhin ang developers para makombinsi at masikwat ng pamilya ni Bong Go ang infra projects. Isa pa, at mas matindi, ang nakasaad sa batas dapat may AAA accreditation ang kompanya bago kumuha ng infra projects sa gobyerno gaya ng mga lansangan. Ang mga kompanya na pag-aari ng tatay at kapatid ni Bong Go ay B ang accreditation. Samakatuwid wala silang AAA accreditation. Samakatuwid may nilabag silang batas. Ito ang pandarambong.
Marami pang patutsada at balbal na salita ang binitawan ni Bong Go. Pero isa lang ang tiyak dito. Maliwanag na may malaking anomalya kaya abangan ang susunod na kaganapan.
Ang buong pangalan ni Bong Go ay Christopher Lawrence Tesoro Go. Acronym: CLTG.
***
ISANG trahedya ang nangyari sa Hukbong Sandatahan nang bumagsak ang isang Lockheed C-120 Hercules sa Patikul sa Jolo Sulu nolong Linggo Hulyo 4, 2021. Nasawi ang 45 sundalo. Nasugatan ang 52 katao kabilang ang 49 sundalo. Karamihan sa mga sundalo ay trainees mula Cagayan de Oro City. Ang bumagsak na
C-130 ay binili sa Estados Unidos sa security cooperation assistance sa pagitan ng dalawang bansa.
Dumating ito sa Filipinas noong Enero 29. Naganap ang pagbagsak nang nag-overshoot sa runway. Unang lumipad ang C-130 1988 hanggang sa malagay sa storage ito noong 2016, at nabenta sa Filipinas noong Enero 2021. Ito ang pinakamalalang pagbagsak ng isang C-130 sa kasaysayan.
Pero hindi na tayo bagito sa mga sakunang ganito. Matatandaan na kamakailan lang isang bagong Blackhawk helicopter ang bumagsak sa Crow Valley Subic na ikinamatay ng anim na katao. Bago iyon, isang MG520 attack helicopter ang bumagsak na ikinamatay ng kanyang piloto. Noong Enero isang Vietnam-era Huey 1H ang bumagsak matapos dumaan sa routine maintenance na ikinamatay ng pitong sundalo.
Sa pinakabagong report may 96 sundalo ang sakay ng C-130. Mataas ito sa unang report na 93 sundalo. Ang kapasidad ng isang C-130 ay 80,000 pounds o 36,364 kilos. Kaya nitong magsakay ng 92 sundalo at 45,000 pounds o 20,455 kilos. Ang sakay na sundalo ay 93, isama pa natin ang kanilang bagahe at gear, isama pa natin ang cargo na isinakay. Palagay ko nagtutugma ang mga kutob natin.
Sobra ang bigat o ‘overweight’ ang C-130 kaya hindi na nagawang makalipad, at tuluyang bumagsak sa bayan ng Patikul. Nararapat na tingnan mabuti ang kakayahan at dumaan sa masusing pagsasanay ang ating loadmaster na namamahala sa pagkamada at pagkalkula ng bigat ng kargada ng mga sasakyang panghimpapawid ng AFP. Dahil mahigpit ang patakaran sa mga sasakyang pampubliko. Mapa-eroplano, bapor, o bus, may sinusunod sila, at kung lumabag ka rito, matindi ang kaparusahan.
Siguro nararapat na pag-ibayuhin ang pagsasanay ng mga loadmaster sa Air Force. Ngayon wala na tayong C-130. Nakapanghihinayang dahil ginagamit ito sa CoVid-19 response, relief operations, at patrolya sa WPS. Nakapanghihinayang dahil lalahok sana ang “air asset” sa kauna-unahang military exercise sa pagitan ng Filipinas at Japanese Air Self-Defense Forces sa Clark, Pampanga. Lalong nakahihinayang dahil tuturuan ang Hukbo kung paano magkamada, magsakay, at magbaba ng cargo. Magtuturo pa sila sa ating hukbo kung paano mag-air drop ng relief goods. Nakahihinayang talaga.
***
Ano ang nangyayari kay DepEd Secretary Leonor “Liling” Briones? Bakit siya nainsulto sa sinabi ng World Bank na mababa ang kalidad ng pagtuturo natin? Hindi ba ang normal na tugon dito ay aralin mabuti at tukuyin kung nasaan ang problema na isinasaad ng WB?
Maganda ang pasabi ng kaibigan at netizen na si Ding Velasco: “Hindi po insulto na i-evaluate ‘yung level of education ng mga anak namin in comparison to other countries, in the same age bracket para malaman kung natututuhan ‘yung itinuturo ninyo. Ang tawag po baga diyan ay Effectiveness Assessment of Educational Levels. Ikaw lang po ‘ata ang naiiinsulto dahil ang alam mong curriculum ay ‘yung pang 1970s pa. Bakit ‘di pa po kayo magretiro at ibigay sa mas may lakas pa at may panibagong outlook sa trabaho mo para naman umusad ang edukasyon ng kabataang Filipino? Baka ‘di ninyo po alam na kasama sa loan conditions na may kaakibat na level of efficiency sa edukasyon ang mga Foreign Loans natin – kaya may evaluation.”
Hay naku Liling, ang problema sa katulad ninyo na nasa gabinete at sa sobrang pagkabalat-sibuyas nagiging arogante na kayo at pakiwari ninyo kayo ay hindi nagkakamali. Konting abiso lang. Maghunos-dili po kayo at magnilay-nilay.
Maaaring masyado lang kayong “old school.” Pero palagay ko masyado lang kayong “old.”
Check Also
Senator Cynthia Villar tatakbo para sa kongreso magpinsang Aguilar maglalaban para sa mayor
Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata NOONG nabubuhay pa ang yumaong Vergel “Nene” Aguilar, tahimik …
Ano pa ang hinihintay ng DOH sa Mpox vaccine?
AKSYON AGADni Almar Danguilan HINDI pa naman daw kailangan ng social distancing para sa seguridad …
74-anyos lolo, nawalan na ng wallet at cellphone, ikinulong pa
YANIGni Bong Ramos KAHABAG-HABAG ang sinapit ng isang 74-anyos Lolo na matapos mawala ang wallet …
Sino ba ang dapat managot?
AKSYON AGADni Almar Danguilan NANG ibunyag ni Senator Risa Hontiveros na nakalabas na sa bansa …
Boluntaryong leave of absence isinumite ng Vice-President ng NPC
Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata NAGSUMITE ng kanyang leave of absence si National Press …