IPINAHAYAG ni PRO3 Regional Director P/BGen. Valeriano De Leon na nadakip ng mga awtoridad ang top 1 most wanted person sa talaan ng PNP-PRO13 sa lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 19 Setyembre.
Kinilala ang suspek na si Ma. Lorena Sigua, 44 anyos, iniulat na finance officer ng New People’s Army (NPA), kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Muzon, lungsod ng San Jose del Monte, sa naturang lalawigan.
Inaresto si Sigua ng mga tauhan ng RIU3 (lead Unit) katuwang ang RIU13, TSD at ISOD, MIG 15 ISAFP, RID, PRO13, RID, PRO3, Bulacan PIU, San Jose Del Monte CPS, Marilao MPS, San Rafael MPS at RHPU4A-SOT sa bisa ng warrant of arrest sa krimeng murder na nilagdaan ni Acting Executive Judge Lou A. Nueva, ng Bayugan City, Agusan del Sur RTC Branch 7, may petsang 10 Hulyo 2019, at walang itinakdang piyansa.
Lumitaw sa imbestigasyon, si Sigua ay miyembro ng Regional Operations Command ng North Eastern Mindanao Regional Committee na iniuugnay sa mga miyembro ng Guerilla Front 21 ng NEMRC na sinasabing pangunahing suspek sa pagpatay kina CAA Bebot Bayong Sag-ob at PFC Jerald Dela Cruz Giron noong 22 Abril 2018 sa bisinidad ng Sitio Virtudazo, Brgy. San Juan, lungsod ng Bayugan, Agusan del Sur.
Bago ang pandemyang dulot ng CoVid-19, nagtrabaho si Sigua bilang volunteer teacher sa Lumad Bakwit School na matatagpuan sa loob ng University of the Philippines-Los Baños (UPLB).
Napag-alamang nagpunta rin siya sa New Zealand noong 2018 at nakipag-usap sa Auckland Peace Place. (MICKA BAUTISTA)