NASAKOTE ang dalawa kataong hinihinalang sangkot sa illegal logging sa ikinasang buy bust operation ng mga awtoridad sa bayan ng Norzagaray, lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 19 Setyembre.
Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PPO, ang mga suspek na sina Jennifer Sarandona at Renato Patulot, kapwa residente sa Ipo Rd., Brgy. San Mateo, sa naturang bayan.
Batay sa imbestigasyon, nagkasa ng buy bust operation kontra sa ilegal na pangangahoy ang mga elemento ng Norzagaray Municipal Police Station (MPS), mga tauhan ng Anti-Illegal Task Force Luzon (AILTF Luzon), 2nd Bulacan PMFC, 24th SAC SAF, at Southern NCR MARPSTA sa Ipo Dam Gate, sa nasabing lugar dakong 11:50 pm, kamakalawa.
Gumamit ang mga awtoridad ng isang totoong P1000 bill at 67 pirasong boddle money upang ipain sa mga suspek.
Matapos maiabot ng poseur buyer ang buy bust money sa mga suspek kapalit ng mga ilegal na troso, nagpakilalang mga pulis ang mga operatiba saka dinakip sina Sarandona at Patulot.
Narekober ng mga awtoridad ang iba’t ibang Teak wood at Kamagong logs sa mga suspek na ngayon ay nakakulong sa Norzagaray MPS Jail at nakatakdang sampahan ng kaso sa hukuman. (MICKA BAUTISTA)