NAPASLANG ang isang lalaking hinihinalang magnanakaw sa isang hot pursuit operation na isinagawa ng pulisya na nauwi sa enkuwentro sa lungsod ng San Jose, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Biyernes ng gabi, 17 Setyembre.
Batay sa ulat ni P/Col. Rhoderick Campo, OIC provincial director ng Nueva Ecija PPO, nagkasa ang mga operatiba ng San Jose City Police Station ng pagpapatrolya para sa Oplan Sita sa Brgy. Palestina, sa lungsod ng San Jose kung saan pinahinto ang isang traysikel na Kawasaki Bajaj CT 100 para sa beripikasyon.
Imbes huminto, pinaharurot ng driver ang traysikel na nagresulta sa hot pursuit operation hanggang nauwi sa enkuwentro.
Una umanong nagpaputok ng baril ang driver na kinilalang si Jomar Sabado, ng Brgy. San Isidro, sa bayan ng Lupao, kaya napilitang gumanti ang operating troops na nagresulta sa agarang pagkamatay ng suspek.
Narekober mula kay Sabado ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng mga bala, sling-bag, laptop, shoulder bag, at ang tricycle.
Nabatid, si Sabado ay pangunahing suspek sa insidente ng pagnanakaw sa isang guro na naganap dakong 10:00 am noong Biyernes, sa Abar 2nd Elementary School, sa nabanggit na lungsod.
Natangay ng suspek mula sa guro ang isang HP laptop na nagkakahalaga ng P26,000; Vivo cellphone na nagkakahalaga ng P15,000; shoulder bag na naglalaman ng passbook; iba’t ibang ID; at tatlong ATM at credit card.
Lumitaw din sa datos, ang suspek ay dati nang naaresto sa krimeng robbery hold-up at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 noong Pebrero 2018 ngunit nakapagpiyansa at kasalukuyang under probation. (MICKA BAUTISTA)