PINASAYA ng kabayong Gomezian, sakay ng premyadong hineteng si OP Cortez, ang mga tumaya sa kanya sa paglarga ng 2021 Philracom 1st Leg Juvenile Stakes Race nang una silang tumawid sa meta na may isang kabayong agwat sa mahigpit nilang nakalaban na si Radio Bell na ginabayan ni JB Hernandez.
Tinanghal na paborito sa tatlong nakatunggali ay unang lumunag sa largahan para dahil ang bandera sa kaagahan ng laban sa distansiyang 1,300 meters.
Hindi pinakawalan ni Gomezian ang unahan sa lahat ng distansiya pero sa bandang far turn ay dumikit na nang husto si Radio Bell sa unahan pero hindi pa rin siya nakalagpas sa nagdikta ng unahan.
Pagsungaw ng rekta ay lamang na lang ng kalahating kabayo si Gomezian, pero sa ekspertong pag-ayuda’t palo ni jockey Cortez ay hindi nagawang makalagpas si jockey Hernandez na panay ang kayog at palo sa semegundang si Radio Bell.
Nakaraos sa meta si Gomezian na may isang kabayong kalamangan kay Radio Bell at naorasan ang labang iyon ng 1:17 sa distansiyang 1,300 meters na may quartos na 7’ 21’ 22’ 25’.
Sa panalo ni Gomezian ay kumabig ang may-ari nitong si AR Santos ng P600,000 plus trophy. Samantalang ang sumegundang si Radio Bell ay nag-uwi ng P225,000. Ang 3rd at 4th ay meron ring papremyong P125,000 at P50,000 ayon sa sumusunod. Si Ballet Champion ang pumangatlo at pang-apat si Southern Man.
Tumanggap ng P50,000 ang breeder ni Gomezian.