SIPAT
ni Mat Vicencio
HALOS dalawang linggo na lamang at magsisimula na ang filing ng Certificate of Candidacy (COC), mula Oktubre 1 hanggang 8, sa lahat ng tatakbong kandidato para sa May 9, 2022 elections.
Isa si dating Senator Bongbong Marcos ang siguradong magtutungo sa Commission on Elections (COMELEC) para maghain ng kanyang kandidatura. At umaasa ang kanyang loyal supporters na sa pagkapangulo ang kanyang ipa-file na COC.
Malakas ang laban ni Bongbong kung tatakbo man siya bilang presidente sa darating na halalan. Hindi matatawaran ang makinarya at organisasyon ng pamilyang Marcos lalo ang pondong ilalaan o gagamitin nito sa halalan.
Bukod sa campaign fund contribution na inaasahang dadagsa sa kanyang kandidatura, ang suporta at boto na magmumula sa tinatawag na ‘solid north’ ay tiyak kasado na, kabilang din ang tulong ng mga botante sa balwarte ng kanyang inang si Imelda sa Kabisayaan.
Ngayon pa lang, dapat na sigurong kabahan ang mga politikong makababangga ni Bongbong, maging si Senator Ping Lacson man ito, si Senator Manny Pacquiao, si Manila Mayor Isko Moreno o kahit na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Kung ikokompara ang pangalan ng mga politikong lumulutang sa pagkapangulo, walang alinlangan na masasabing nakalalamang o nakauungos si Bongbong.
Pero ang hindi alam ng nakararami, ang sakit ng ulo na pinagdaraanan ni Bongbong kapag kumakandidato ito lalo kung sumasapit ang kasagsagan ng kampanya.
Dalawang babae kasi na pawang malapit kay Bongbong ang laging nagbabangayan kapag kumakandidato siya, na nagreresulta tuloy ng magulong kampanya bunga ng hindi nila pagkakaunawaan.
Kung mayroon kasing media group si Bongbong na pinakikialaman ng isang babae, hindi naman pahuhuli ang isa pang babae na mayroon ding sariling media group na kanyang pinatatakbo at kusang naglalabas ng press releases.
Ganito kagulo ang nangyayari sa media group na nakatutok kay Bongbong kapag kumakandidato ito at asahang mangyayari na naman ito sa pagtakbo ng dating senador bilang presidente o bise presidente sa darating na eleksiyon.
Ang isyu sa kontrobersiya ng media group ay isa lamang sa hindi pinagkakasunduan ng dalawang nagbabangayang kampo at marami pang usapin ang pinagtatalunan ng dalawang babaeng ito.
Iisa-isahin nating ilabas sa mga susunod na kolum ang mga inaasahang mangyayari hinggil sa gulo ng dalawang babaeng malapit kay Bongbong base na rin sa nangyari nang kumandidato ito bilang senador at bise presidente nitong mga nagdaang halalan.
At sa darating na presidential elections sa 2022, sino kaya ang maghahari sa dalawang babaeng ito?