INIIMBESTIGAHAN ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng isang Cessna 152 plane sa bayan ng Plaridel, lalawigan ng Bulacan nitong Biyernes ng umaga, 17 Setyembre.
Ayon kay P/BGen. Valeriano De Leon, regional director ng PRO3-PNP, lumipad sa direksiyon ng timog ang two-seater plane mula sa Plaridel Airstrip runway lulan ang pilotong si Paul Jemuel Gayanes at pasaherong si Lebon Eisen Sandoval nang ito ay bumagsak sa isang bakanteng lote sa Brgy. Agnaya, sa nabanggit na bayan, dakong 7:04 am, noong Biyernes.
Nabatid na pag-aari ang eroplano ng Precision Flight Control Philippines, na matatagpuan din sa naturang lugar.
Isinugod ang dalawang biktima sa La Consolacion General Hospital upang malapatan ng atensiyong medikal na kasalukuyan ay nasa ligtas nang kalagayan.
Ipinadala ni P/BGen. De Leon ang kautusan para sa imbestigasyon kay P/Col. Lawrence Cajipe, direktor ng Bulacan PPO, na agad bumuo ng investigating team para tumutok sa pagsisiyasat sa pagbagsak ng naturang eroplano.
(MICKA BAUTISTA)