HATAWAN
ni Ed de Leon
MARAMING plano para sa mga star dito sa Quezon City. Matapos na ipasa ng Sanggunian noon ang panukalang ordinansa ng noon ay konsehal pang si Dingdong Avanzado, na binigyan ng todong back up ng master showman na si Kuya Germs, at ang lunsod ay tinawag na ngang City of Stars, nagkaroon ng isang malaking parada ng mga artista mula sa Welcome Rotonda hanggang sa Quezon Memorial Circle.
Natatandaan namin na nagkaroon din ng panukala na ang kahabaan ng Quezon Avenue na siyang main thoroughfare ng lunsod, ay lalagyan ng mga star, parang Walk of Fame sa Hollywood. Pero hindi nagawa iyon, kaya itinuloy na lang ni Kuya Germs sa loob ng Eastwood na sakop din naman ng Quezon City.
Dito sa Quezon City may bahagi rin ng kalye sa may Ortigas na tinawag ma Judge Jose Vera drive, bilang parangal sa nagtatag ng Sampaguita Pictures at nagkaloob ng kanyang property sa lunsod para gawing kalye. Pinangalanan ding Eugenio Lopez drive, ang isang bahagi ng dating Scout Albano bilang pagkilala sa nagtatag ng ABS-CBN. Hindi rin naman pahuhuli ang GMA, dahil nagkaroon ng GMA Network Drive, na para tuloy naging parking area na ng mga taga-GMA.
Noong panahong nasa puwesto pa si Mayor Bistek (Herbert Bautista), may plano niya na magtayo ng monumento ng mga haligi ng film industry sa Tomas Morato Avenue, na inayunan din ng dating MTRCB Chairman Manoling Morato. Pero hindi natuloy iyon.
Ngayon may umuugong na namang mga plano, dahil kung pipirmahan daw ng presidente ang batas na ginawa ng senado na ang Rooosevelt Avenue ay pangalanang Fernando Poe Jr. Avenue, bilang parangal sa hari ng pelikulang Pilipino, may gustong magtayo ng monumento ni FPJ sa kalye, at ang sabi roon dapat sa kanto ng Roosevelt at Del Monte, dahil nasa kalyeng iyon din ang studio at museo ni FPJ.
Hindi namin alam kung mapapayagan iyan dahil sa ngayon ni luluwagan nga ang mga lansangan ng lunsod at kung maglalagay sila ng monument sa lugar na iyon, makasisikip nga sa masikip nang traffic sa kantong iyon. Pero hindi natin masasabi, marami pa ring followers si FPJ, at baka marinig din sila at pagbigyan ng pamahalaang lunsod.