HATAWAN
ni Ed de Leon
NAMATAY kamakalawa ng umaga ang composer ng kantang Pusong Bato na si Renee “Alon” dela Rosa dahil sa respiratory complications. Namatay siya sa Novaliches District Hospital. Hinihintay pa nila kung siya nga ay tinamaan din ng Covid.
Ang nakalulungkot, dalawang araw silang naghahanap ng ospital na mapagpapasukan sa kanya, at sinabi ng kanyang asawang si Raquel Hernandez na nadala nila si Alon sa halos 40 ospital pero walang makatanggap sa kanya dahil puno na sa pasyenteng may covid.
Mukhang tama ang sinasabi ng mga tao, mali ang tumbok ng gobyerno na puro bakuna ang sinasabi ganoong ang mga bakunado, tinatamaan din ng Covid. Iyon namang mga may Covid bihira ang namamatay at marami ang gumagaling. Bakit hindi ang ayusin ay ang serbisyo ng mga ospital, at bayaran ng tama ang mga healthcare worker para hindi na mag-resign at matulungan ang mga nagkakasakit.
Kaysa natatapon lang sa mga gamot na halos expired na, at mga PPE, face shield, at face masks na mahal na wala pang pakinabang?
Eh kaso wala eh. Nauubos ang oras ng mga heneral sa lockdown. Pandemya ang problema, hindi naman rebellion kaya mukhang mali ang lockdown na in effect ay curfew. Hindi puwede sa pandemya ang military solution.