ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
MAPAPANOOD na simula ngayong araw, September 15 ang pelikulang Tutop. Isa itong horror-drama movie na kaabang-abang at hindi dapat palagpasin ng movie enthusiasts.
Tampok sa Tutop sina Bidaman finalist Ron Macapagal, actor/director Romm Burlat, beauty queen na si Ms. Faye Tangonan, Angelo Tiongco, at iba pa.
Nabanggit ni Direk Romm ang tema ng kanilang pelikula.
Saad niya, “Ito ay kuwento sa isang weird na ama. Pumapatay siya ng masasamang elemento ng lipunan para ipakain sa cannibalistic niyang anak, para mabuhay. Hindi lang ito horror movie, kundi isang family drama sa isang hindi pangkaraniwang pamilya. Hindi ka lang matatakot sa pelikula, kundi maiiyak ka sa sinapit ng pamilyang ito.
“Ako iyong tatay na pumapatay ng masasamang tao rito. Ako iyong lead sa movie, si Ron ay second lead, bale alalay ko siya rito. Si Ron iyong sinto-sinto na naka-witness sa crime na ginawa ko. Kapatid siya ni Faye, na gumaganap bilang isang pokpok sa movie na ito.”
Ayon kay Direk Romm, nagsimulang maging cannibal ang anak niya rito dahil sa isang insidenteng nangyari na dapat abangan ng viewers.
Pahabol pa ni Direk Romm, “Maraming highlights ang pelikulang ito kaya dapat nilang abangan. It’s a must see, more than 40 international awards na ang nakuha nito. Showing ang Tutop sa ticket2me starting Sept. 15-22, they can avail tickets from www.ticket2me.net.”
Ano ang ibig sabihin ng Tutop?
“Ang meaning ng tutop ay iyong sikreto na sumisingaw na pero pilit itinatago o pinagtatakpan. Dual personality ako rito, minsan ay mabait at minsan ay salbahe. Pero madasalin ako rito,” esplika pa ni Direk Romm.
-30-