Saturday , November 16 2024

Labi ng Covid-19 patients sa Quezon Province, pinapabayaan nga ba?

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

HINDI maikaila ang nakalulungkot na mga balita – ang araw-araw na pagpanaw ng mga kababayan natin dahil sa CoVid-19. Ang masaklap, hindi man lang puwedeng paglamayan para man lang makapiling kahit sa mga huling sandali bago maihatid sa huling hantungan.

Ganoon talaga ngayon e, wala tayong magawa kung hindi sumunod sa “health protocols” para na rin sa seguridad natin.

Pero sa kabila ng pagtitiis ng mga Pinoy na hindi makapiling ang mga pumanaw dahil sa CoVid-19, e ano naman itong napaulat.

Ano iyon? Ang mga labi daw ng mga CoVid-19 patient sa isang pampublikong ospital sa probinsiya ng Quezon ay pinababayaan. Ha! Totoo ba ang ito? Susmayorsep!

Napaulat na ang nakababahalang sitwasyon ay sa Quezon Medical Center, isang ospital na pinamumunuan ng lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Quezon.

Aysus! May rerato pa nga bilang patunay na ang labi ng mga pumanaw sa CoVid-19 ay pawang nakatiwangwang sa mga pasilyo. Naku po! Kung totoo man ang ulat, mas maganda pa siguro kung ibigay na lamang ninyo ang labi sa kaanak kaysa naman pabayaan. Aasikasuhin pa nila ‘yan mabuti kahit na mahawaan pa ng CoVid. At least, nabigyan ng huling respeto bago mailibing hindi tulad ng napaulat na napababayaan. 

Iyan lang naman ay kung totoo ang akusasyong napaulat – ang pagpapabaya sa mga labi ng namatay na CoVid patients.

Sa mga larawan, ang mga bangkay ay inilagay lamang sa body bags at hinahayaan sa ground floor ng Annex Building ng Quezon Medical Center. Teka, ‘yang mga ‘yan ba ay CoVid cases talaga?

Sinasabing hindi kaayaaya ang kalagayan sa pampublikong pasilidad. Sa unang palapag ng ospital nakalagak ang mga labi katabi ang mga kuwarto na kasalukuyang ginagamit bilang silid para sa CT Scan, 2D Echo, at blood bank.

Sa ikalawang palapag naman, tanaw na tanaw ang mga labi – umabot na ang umaalingasaw na amoy ng mga bangkay. Sa nasabing palapag rin matatagpuan ang stay-in quarters ng nurses na naka-duty at mga silid para sa mga positibo at nagpapagaling sa CoVid-19.

Habang sa third floor, tanaw rin ang sitwasyon sa ibaba ng gusali, na matatagpuan ang mga opisina tulad ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Department of Health (DOH), at ilan pang tanggapan.

Samantala, batay sa DILG-DOH Joint Memorandum Circular No. 1 Series of 2020, hindi maaaring patagalin ng higit 12 oras ang labi ng isang taong pumanaw sa sakit na CoVid-19 bago isagawa ang pagsunog o cremation dahil lubos itong nakapanghahawa. At kung walang kamag-anak na kukuha sa labi, inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng agarang pagproseso ng libing o cremation.

Malinaw ang alituntunin pero, kung totoo man nagpabaya ang pamunuan ng ospital, maging ang lokal na pamahalaan, aba’y malinaw na isang malaking paglabag ito sa memorandum.

Hindi naman daw kinonsinti ni Quezon Province Gov. Danilo Suarez ang sitwasyon, katunayan ay nagpatawag ang  lider ng pulong. Ganoon naman pala e, umaksiyon pala si Gob Suarez.

E ano naman ang resulta ng aksiyon ni Gob? Sinabi sa ulat na walang malinaw at konkretong solusyon na nailatag. Totoo ba ito Ginoong Gobernador? 

Sa pinakahuling report ng probinsiya ng Quezon para 12 Setyembre, nakapagtala ng panibagong 153 CoVid cases ang lalawigan – sa Catanauan – 6, Dolores – 1, Gumaca – 20, Patnanungan – 5, Polilio – 3, Sariaya – 12, Tagkawayan – 6, Burdeus – 7, Calauag – 7, Candelaria – 10, Dolores – 2, Gen Nakar – 4, Infanta – 11, Lucena – 30, Pagbilao – 11, Real – 14, at San Antonio – 4.

Sa kabuoang tala, umaabot na sa 18,701 ang gumaling sa sakit habang 1,079 ang nasawi dahil sa CoVid-19 sa probinsiya ng Quezon.

About Almar Danguilan

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *