INARESTO ang pitong hinihinalang tulak ng ilegal na droga, 14 sugarol, at dalawang iba pa sa sunod-sunod na operasyong inilatag ng mga awtoridad sa lalawigan ng Bulacan simula noong Lunes, 13 Setyembre, hanggang Martes, 14 Setyembre.
Ayon kay P/Col. Lawrence Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, nasakote ang pitong drug suspects sa buy bust operations na ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bocaue, Calumpit, Plaridel, at San Jose Del Monte city & municipal police stations.
Kinilala ang mga suspek na sina Mark Gio Santos at Bernard Gio Santos, kapwa ng Brgy. Malibo Bata, Pandi; Darius Balingit ng Brgy. Sergio Bayan, Calumpit; Mary Ann De Leon ng Brgy. Caingin, Bocaue; Pedro Perez ng Brgy. Pio Cruzcosa, Calumpit; Jaime Santiago, alyas Kulot ng Brgy. Longos, Malolos; at Nikko Culaba ng Tala, Caloocan.
Nasamsam sa mga suspek ang 21 pakete ng hinihinalang shabu, apat na pakete ng tuyong dahon ng hinihinalang marijuana, coin purse, motorsiklo, at buy bust money.
Gayondin, nadakip sa inilatag na anti-illegal gambling operations ng mga tauhan ng estasyon ng pulisya sa Bulakan, Meycauayan, Baliwag, at Pulilan ang 10 kataong naaktohan sa paglalaro ng billiard na ginawang sugal; dalawa ay naaresto sa paglalaro ng Lucky 9; at dalawa ay huli sa sugal na cara y cruz.
Samantala, nasakote ang mga suspek na kinilalang sina Jericho Galang ng Brgy. Panasahan, at Mark Joseph Sacdalan ng Brgy. Atlag, pawang sa lungsod ng Malolos, dahil sa reklamong frustrated homicide.
Nabatid na ang dalawang suspek habang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ay pinagasaksak ang kanilang biktima dahil sa mainit na pagtatalo. (MICKA BAUTISTA)